Marami ang dumadaing sa mataas na presyo ng sibuyas. Kung mahirap abutin ang presyo ng sibuyas, ano nga ba ang puwedeng alternatibo o pamalit dito sa pagluluto? At totoo ba ang paniniwala ng iba na puwede ring gawing "gamot" ang sibuyas? 

Sa programang “Pinoy MD”, sabi ng isang nutritionist na si Dr. Dex Macalintal, na ang sibuyas ay anti-bacterial kaya bukod sa pampalasa sa lutuin, may hatid din itong benepisyo sa kalusugan.

“Ang sibuyas ay mayroong mataas na antas ng fiber, vitamins at minerals, specifically Vitamin C, Vitamin B-6, potassium, manganese at copper,” paliwanag ni Macalintal.

“Mayroon din itong mga tinuturong na benefits katulad ng pababa ng risk ng pagkakaroon ng cancer, ng heart disease, ng stroke at nakakatulong din ito sa pagkontrol sa diabetes dahil sa anti-oxidant at flavanol content nito,” dagdag pa niya.

Kung walang sibuyas dahil sa mataas na presyo nito, sinabi ng doktor na puwede raw gamiting alternatibo ang leeks.

“Ang leeks ay kamag-anakan ng sibuyas. Mayaman ‘yan sa flavonoid, antioxidant at maaaring may mga anti-inflammatory properties din. Dahil mayaman ito sa lutein at zeaxanthin, maaari itong makatulong sa pananatiling malusog ng ating mga mata,” ani Macalintal.

Bukod sa leeks, puwede rin daw ipamalit sa sibuyas ang onion chives.

“’Yung sulfur compound nito sinasabing nakakatulong sa pagpapabagal ng growth ng cancer cells, ayon sa ilang pag-aaral ‘yan. Katulad din po ng leaks mayaman ito sa Vitamin K, na nakakatulong sa pag-prevent ng osteoporosis,” saad pa ng doktor.

Isa pa raw sa puwedeng gamitin sa ating mga pagkain ang bell pepper.

“Ang lutein ay makakatulong sa pagprotekta sa ating eye health. Bukod pa riyan, mayaman din po sa iron, sa Vitamin C ang green pepper. At ang kombinasyong ito ng Vitamin C at Iron ay mainam upang maiwasan ang pagkakaroon ng anemia,” sambit pa ni Macalintal.

Payo pa niya, “Okay itong gamitin bilang mga pamalit ng sibuyas dahil may naiaambang din itong distinct aroma sa ating mga dishes. Ang tip dito ay huwag masyadong lutuin para ma-retain ang flavor na kamukha sa sibuyas.”

Kasabay nito, may mga ilang nakagawian at paniniwala tungkol sa sibuyas. Gaano nga kaya katotoo na ang "onion water" ay maaaring gamitin para sa sore throat?

“Maaaring ang mga nakikita sa social media ay viral in origin which usually goes away. Kahit water therapy lamang mawawala naman ang sore throat ninyo,” paliwanag ni Macalintal.

“Maari din po na na-soothe ang lalamunan nila sa pag-inom ng tubig na mayroong sibuyas. Again, it won't hurt naman unless mayroon kayong allergy sa tiyan sa sibuyas,” saad pa niya.

Paano naman ang paglalagay ng sibuyas sa paa?

“More on anecdotes ang basis ng mga claims na ito. At kung pag-uusapan po natin ang pagkakaroon ng sipon, viral pa rin ang most common cause nito at usually viral infection goes away lalo na kung healthy naman ang taong dinapuan nito,” ayon sa doktor.

Dahil din sa anti-fungal at anti-bacterial properties ng sibuyas, may ilang naniniwala na maaari itong gamitin sa kagat ng insekto.

Pero sabi ni Macalintal, “Ayon po sa mga sources, kinakailangan i-rinse ang area na pinapahiran ng sibuyas pagkatapos dahil maaaring ang mga nakakagat sa inyo ay mayroong naiwang splinter dyan na nagdudulot ng pamamaga sa area. At ‘yun hindi matatanggal ng simpleng papahid-pahid lang ng sibuyas.”

Mayroon din anti-inflammatory properties ang sibuyas kaya ang iba ginagamit ito kung masakit ang ulo. Pero gaano ka ba ito ka epektibo?

“Sa Chinese medicine ginagamit ‘yung allium cepa o ‘yung sibuyas na ginagawang tsaa sa panggagamot ng mga pananakit ng ulo dahil sa anti-inflammatory properties nito. Upang hindi kayo malito, listen to your body,” anang doktor. -- FRJ, GMA Integrated News