Malaking abala at konsumisyon umano ang naranasan ng isang pamilya sa Baguio City matapos masira ang kanilang bahay dahil sa isinasagawang road-widening project ng gobyerno sa kanilang lugar. Ano nga ba ang dapat nilang gawin?

Sa isang episode ng “Sumbungan ng Bayan,” sinabing Abril 2022 nang magsimula ang proyekto ng Department of Public Works and Highways Baguio City District Engineering Office (BCDEO) sa barangay kung saan nakatira ang pamilya Layco.

Noong Agosto 2022, nagkaroon ng pagguho ng lupa sa gitna ng konstruksyon, at nadamay ang mga retaining wall ng mga bahay sa kahabaan ng ginagawang proyekto.

Mula sa mga apektadong bahay, bukod tanging ang bahay na lang daw ng pamilya Layco ang hindi pa naipaaayos ng DPWH–BCDEO.

Ayon kay Atty. Francis Abril, kung hindi mapakikiusapan ang contractor o hindi nito maipaliwanag ang nangyaring aberya sa construction, dapat nang lumapit ang pamilya sa project engineer, patungkol sa BCDEO.

Ang BCDEO daw kasi ang nangangasiwa sa contractor at ang may sakop sa pagpapatupad ng blueprint, na dumadaan sa mabusising pag-aaral ng mga inhinyero kung magkaroon man ng aberya.

Maaari umanong maghain ng reklamong administratibo ang mga pamilyang naapektuhan dahil sa napinsala, abala o konsumisyon na idinulot ng proyekto, laban sa mga nagpabaya umano sa proyekto.

Sa sibil na aspeto, maaari din silang mag-claim ng damages at kung mapatunayan na may criminal liability sa pagpapabaya, maaari itong maging reckless imprudence resulting in damage to property.

Paliwanag ng abogado, nakasaad sa batas na hindi maaaring maghukay o magsagawa ng “earth-moving” projects at madadamay ang suporta o lupa kung saan nakatirik ang ibang kabahayan.

“In the course of the installation of drainage culverts and excavation for slope protection structure, a massive landslide occurred on July 5, 2022 due to continuous heavy rains,” paliwanag naman ng DPWH- BCDEO.

“On July 27, 2022, an intensity V earthquake occurred in the region which resulted to soil collapses and rock falls in the area. These events affected four (4) residential houses therein, including that of the complainant’s,” dagdag ng DPWH-BCDEO.

Lubhang naapektuhan ang P5 milyon halagang pondo para sa proyekto dahil sa nangyari.

Para sumailalim sa total restoration, nangangailangan ng karagdagang pondo ang ahensiya, at naisama na nila ito sa panibagong budget proposal.

Inutusan na ng DPWH ang contractor na gumawa ng 10 x 5 meter crib wall sa harap ng bahay ng pamilya Layco para maiwasan na ang anumang pagguho. -- FRJ, GMA Integrated News