Kahanga-hanga ang samahan ng isang mag-ama sa Bulacan na sabay na nagtapos sa senior high school. Ang ama, janitor sa paaralan kung saan nag-aaral ang kaniyang anak na naging kaklase pa niya. At mismong ang paaralan pa ang nagtulak sa ama na ituloy ang kaniyang pag-aaral.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang ama na si Eleazar Begornia, habang si Jenalyn naman ang kaniyang anak, at pareho silang nag-aaral sa Immaculate Conception Institutions.

Mismong ang pinagtatrabahuhang paaralan umano ang naghikayat kay Tatay Eleazar na ituloy ang pag-aaral, kasabay ni Jenalyn.

"Kahit po ako utility, pinu-push nila ako na mag-aral," ayon kay Tatay Eleazar. "Hindi sila nagsabing, 'Uy nagtatrabaho ka 'wag kang mag-aral.' Pinu-push pa po nila ako. Kaya sobrang tuwa ko po nung naka-graduate ako."

Kung hindi nagtatrabaho, kasama ni Tatay Eleazar ang kaniyang anak sa paaralan at tagapaglibre ng pagkain. Dahil "kinakalawang" na rin naman, nagsilbing tutor naman si Jenalyn sa kaniyang ama.

"'Yung utak ko medyo kinakalawang na ganun po, kasi po s'yempre ang tagal ko ng hindi nag-aaral, meron pong time na hindi mo talaga alam," pag-amin ni Tatay Eleazar.

Ayon kay Jenalyn, hindi lang niya tatay ang kaniyang ama, kung hindi kaibigan din sa paaralan.

"Hindi ko lang po siya tatay ko, naging kaibigan ko rin po siya dito sa school. Kapag nagkikita po kami nagkakamustahan, nagpapalibre—s'yempre tatay ko— kumakain po kami sa canteen," kuwento ng dalaga.

Proud si Jenalyn sa kaniyang ama dahil nakita niya ang pagpupursige ni Tatay Eleazar na pinagsabay ang trabaho at pag-aaral para makatapos ng senior high school.

"Even though po nahihirapan siya, nagtatrabaho siya, after po niya magtrabaho nagsasagot po siya ng module," saad ni Jenalyn. "Sobrang saya po na sa hirap po ng pinagdadaanan namin naka-graduate po kami nang sabay."

Plano ni Jenalyn na kumuha ng kursong hospitality tourism sa kolehiyo. Hindi naman sigurado si Tatat Eleazar noong una kung itutuloy pa ang kolehiyo.

Pero naging emosyonal siya nang sorpresahin siya ng paaralan at pinagkalooban ng scholarship program.

"Gusto ko po umangat. Hindi habang panahon laging nasa ibaba gusto ko rin tumaas," ani Tatay Eleazar. "Hindi lang palaging sa pagiging utility. Mas tumaas po para hindi palaging maliit ang tingin sa 'yo."

Ngayon, plano ni Tatay Eleazar na kumuha ng kursong physical education para maging PE teacher siya sa hinaharap.—FRJ, GMA Integrated News