Dahil sa kaniyang pagiging mukhang bata, lagi umanong naba-banned ang account sa isang social media platform ng isang 16-anyos na babae na mula sa Negros Occidental. Ano nga bang kondisyon sa kalusugan ang mayroon siya?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita sa kaniyang Tiktok videos ang husay sa pagsayaw ni Jasmine Kate Eleja, 16-anyos, na mula sa E.B. Magalona sa Negros Occidental.

Pero dahil sa kaniyang pagiging baby face, at taas na na 3'3," na gaya sa batang anim na taong gulang, ang magandang teenager, napagkakamalang bata.

Ang ibang nakakapanood sa kaniyang mga video habang nagsasayaw at nakabihis siya na pang-dalaga, nagkokomento na hindi akma o  bagay para sa katulad niyang "bata" ang kaniyang ginagawa.

Naba-banned din ang kaniyang account sa Tiktok kapag nag-live si Kate na mag-isa dahil nakasaad sa patakaran ng naturang social media platform na dapat na may kasamang nakatatanda ang bata kapag nala-live.

Ayon kay Kate, hindi naniniwala ang naturang social media platform na hindi na siya bata, kung hindi isang teenager na.

Aminado si Kate na hindi maiwasan na nagkakaroon siya ng insecurity dahil sa kaniyang hitsura. Malaking bagay daw ang kaniyang pagsasayaw na ipino-post niya sa social media para magkaroon siya ng kompiyansa sa sarili.

Isang OFW sa Singapore ang ina ni Kate, at ang kaniyang tito ang nagsisilbi niyang guardian.

Normal naman daw na sanggol si Kate nang isilang. Pero nang pumasok na siya sa grade school, doon na napansin na hindi siya lumalaki.

Pinainom daw ng mga vitamins si Kate na pampatangkad pero hindi ito tumalab sa kaniya.

Nang ipasuri na sa espesyalista si Kate, doon na natuklasan na mayroon siyang kondisyon na growth hormone deficiancy, o dwarfism.

Isa itong kondisyon na hindi angkop sa kaniyang edad ang paglaki ng kaniyang mga buto.

"Ang growth hormone ang responsible para lumaki o tumangkad ang isang tao. Kapag sinabi nating deficient, kulang 'yon hormone na 'yon," paliwanag ni Endocrinologist Dr. Eunice Tan.

"Hindi siya namamana, genetic mutation siya," dagdag niya.

Ayon kay Tan, maaaring bigyan ng injectible growth hormone ang mga tao na may ganitong kondisyon. Nagkakahalaga ito ng P50,000 sa isang buwan na ituturok araw-araw.

Sinabi ni Jonathan, na tito ni Kate, na may kaakibat umanong peligro ang pagtuturok ng growth hormone at maaaring makaranas ng kombursiyon ang pasyente.

Dahil dito, tumanggi raw ang ina ni Kate sa naturang proseso dahil sa takot na baka may masamang mangyari sa anak.

Kulang man sa height, nag-uumapaw naman si Kate sa talino at talento. Presidente siya sa kanilang klase at consistent na honor student at scholar pa.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may naitampok na kuwento sa "KMJS" tungkol sa dalagang mukhang bata.

Isa na rito si Alexandra na mula sa Davao City, na 19 anyos na ngayon.

Kumusta na nga ba ang buhay ngayon ni Alexandra at ano ang maipapayo niya ni Kate? Panoorin ang nakatutuwang pagkikita ng dalawa sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News