Tinatayang nasa 70 porsiyento umano ng mga tao sa buong mundo ang nakararanas ng hair loss problem pagsapit ng edad 50. May paraan ba kung papaano ito masosolusyonan?

Sa programang "Pinoy MD," nakilala si Rolly Dela Cruz, na nagsimulang numipis ang buhok sa edad na 25.

Para maitago ang kaniyang numinipis na buhok sa harapan, madalas na suot ni Rolly ang ginagamit niyang hairnet sa trabaho at pinapatungan niya ng sombrero.

Ang pattern baldness o pagkapanot, o androgenetic alopecia ang madalas na dahilan ng pagnipis ng buhok ng mga lalaki, ayon kay Dra. Cricelda Roscober-Valencia, dermatologist ng Velencia Clinic.

Kapag mayroong miyembro ng pamilya na may history ng hairloss, mas tumataas umano ang risk na maaga ring mapanot.

Sa kaso ni Rolly, posibleng namana niya ang maagang pag-urong ng kaniyang hairline.

Ayon naman kay Rolly, mayroon siyang tiyuhin na kapareho niyang maagang nawalan ng buhok.

Ang ibang kalalakihan, kaniya-kaniyang diskarte para masolusyonan ang pagkapanot. May gumagamit ng customized wig o kaya naman ay mala-black makeup na inilalagay sa ulo.

Pero ligtas ba itong gamitin?

Ayon kay Valencia, nakatutulong ang mga ganitong paraan para pansamantalang maitago ang pagkawala ng buhok. Pero paalala niya, dapat maging maingat sa mga kemikal na ipinahid sa ulo.

Maaari daw kasing magdulot ng iritasyon sa anit ang mga kemikal at baka lalong maging dahilan para makalbo.

Kung ang nais daw ay ang pangmatagalang solusyon, sinasabi ni Valencia na may hair transplant na maaaring gawin sa parte ng ulo na nawawala na ang buhok.

Pero kung kapos sa budget, mayroon din namang paraan para mapasigla muli ang hair follicles upang tumubo ang mga buhok sa pamamagitan ng pagmasahe.

Ayon kay Valencia, maaaring masasahin ang ulo na numinipis ang buhok ng hanggang tatlong minuto kada araw upang ma-stimulate ang hair follicles at nang tumubo pa ang buhok.

Makatutulong din umano ang pagpapahid ng coconut oil o aloe vera para hindi madaling malagas ang buhok.

Kung may paraan na dapat gawin para maiwasan pagkakalbo o magkaroon muli ng buhok,  ano naman ang mga dapat iwasan para hindi masira ang buhok?  Panoorin ang buong patalakay ng "Pinoy MD" sa video. --FRJ, GMA Integrated News