Hamon para sa mga magsasaka sa Dolores, Quezon ang pag-aani ng rambutan dahil sa mga insektong atangya o lychee stink bug. Nagbubuga kasi ito ng nakapapasong likido at may masangsang na amoy kapag nakaramdam ng panganib. Dapat ba silang ituring na peste?

“Mahapdi, masakit, kaya delikado kung dadapo sa mata. Parang asido siya, nakakasunog,” sabi sa "Born to be Wild"  ng isang lalaking naihian ng atangya.

Dahil dito, iniiwasan ng ilang magsasaka ang mga atangya, at kinatatakutan naman ito ng iba.

Kung bata pa, makulay ang atangya at malikot habang inaaral ang kaniyang paligid. Nagpapalit siya ng balat sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Ugali rin ng atangya na maglinis ng antenna para mas malakas at klaro ang pandama nito.

Pagkalinis ng antenna, handa na ang atangya na tikman ang pinakamatamis na bunga ng rambutan, na espesyal sa kanila dahil sa natatanging lasa nito.

Para hindi magambala, asido mula sa kanilang katawan ang kanilang depensa laban sa kaaway.

Si Arnel Gaviño na isang magsasaka, maingat sa pag-aani ng rambutan sa Dolores, Quezon, dahil minsan na siyang naihian ng atangya sa mata.

“Parang inalis ang iyong mata talaga, parang hinugot ng kamay sa sakit,” sabi ni Gaviño.

Bukod dito, napaso na rin siya ng atangya sa kaniyang braso.

“Parang napatakan ng tubig na mainit. Sadyang napakainit,” ayon kay Gaviño.

Ayon sa mga eksperto, may halong asido ang inilalabas na tubig ng atangya, kaya hindi na makapagtrabaho ang ilang magsasaka sa sakit na dulot nito.

Sa pagbisita niya sa isang taniman ng rambutan, napansin ni Doc Ferds Recio ang amoy metallic o bakal na inilabas ng isang antangya, at ang pagkasira ng mga bunga dahil sa pagsipsip ng naturang insekto.

May habang tatlong sentimetro, tila isang dahon na kulay orange at hindi mapanganib ang atangya, ngunit matindi ang pinsala na nagagawa nila sa mga puno ng rambutan.

Pero sa ngayon, hindi pa itinuturing peste ang mga atanya, ayon kay Doc Ferds. Kabilang din sila sa mga itinuturing na pollinators o nagpapakalat ng halaman.

Ayon kay Alhmar Cervantes na isng entomologist, mas makabubuting huwag munang gagalawin ang mga atanya na bahagi ng ecosystem.

Ano naman kaya ang dapat gawin na first aid kapag naasido ng atangya? Panoorin ang buong pagtalakay sa video ng "Born To Be Wild."-- FRJ, GMA Integrated News.