Hindi inakala ng isang lalaki na dating overseas Filipino worker na sintomas na pala ng seryosong sakit na ALS o Amyotrophic Lateral Sclerosis ang bigla niyang paglalaway at hirap sa pagsasalita. Ano nga ba ang ALS na wala pang gamot sa ngayon? Alamin.

Sa video ng GMA News Feed, dating nagtatrabaho sa Singapore si Rodel Junos.  Taong 2019 nang magpabunot siya ng bagang.

Ngunit kinalaunan, nakaranas siya ng paglalaway at nahihirapan na ring magsalita. Inakala nila noong una na oral thrush lang ang nararanasan ni Rodel.

Ayon sa asawa ni Rodel na si April Rose, maging ang mga kasama noon ng kaniyang mister sa trabaho ay napansin na rin na hirap na ang una sa pagsasalita.

Ang employer umano ni Rodel ang nagsabi na ipapa-confine siya para masuri kung ano ang kaniyang karamdaman. Hanggang sa matuklasan na mayroon siyang ALS, isang kondisyon na unti-unting namamatay ang motor nerve ng pasyente.

Wala pang gamot ngayon sa naturang sakit.

Ayon kay Dr. Marion Prado Jr., Neurophysiologist, nasisira ang motor nerves o wire na nagco-connect mula sa utak o spinal cord ng pasyente papunta sa mga muscles para ma- control ito.

Ang mga pasyente na may ganitong karamdaman ay nanghihina ang mga paa, kamay, paglunok at pagsasalita, pati na ang paghinga.

"Paano kaya kami sa forture na hindi namin siya kasama. Mahirap ang maging kulang," emosyonal na pahayag ni April Rose.

Sa mga pasyente na may ALS, 80 porsiyento sa kanila ang pumapanaw tatlong taon matapos ma-diagnose ang sakit.

Habang 10 porsiyento naman ang tumatagal ang buhay ng mahigit limang taon.

Sa ngayon, halos hindi na nakakakilos si Rodel at hindi na rin nakakain sa pamamagitan ng bibig.

"Mahirap iyong pinagdadaanan ng mangangalaga [nag-aalaga] pero mas mahirap iyong pinagdadaanan ng maysakit," sabi ni April Rose.

"Huwag kayong mawawalan ng pag asa kasi nandiyan si Lord, hindi niya tayo pababayaan," dagdag niya. --FRJ, GMA Integrated News