Para sa mga hindi pa nakapag-iisip kung ano ireregalo sa mga bata ngayong Pasko, payo ng isang pediatrician, dapat akma sa edad ng chikiting ang bibilhin at isipin din ang kanilang kaligtasan.
Sa programang Dapat Alam Mo, sinabi ni Dra. Diane Agatep, na mga laruan na puwedeng makakapag-stimulate o mag-enhance sa senses ang dapat na ibigay sa mga sanggol na zero hanggang 12 months old.
Ito ay ang mga laruan na matingkad ang kulay, mga malalambot gaya ng animal or dolls, at madaling hawakan.
Dapat hindi rin masyadong maliit ang laruan para hindi nila malunok kung sakaling isubo ng baby.
Para naman sa bata na edad dalawa hanggang tatlo, ipinapayo ni Agatep na mga laruang makatutulong silang gumalaw at maging creative ang dapat na iregalo.
Kabilang umano sa mga regalo na ito ang mga puzzle.
Mga laruan at gamit naman na makatutulong para makapag-explore o mag-isip ang dapat na iregalo sa mga batang apat hanggang anim na taong gulang.
Pero maliban sa pag-iisip kung ano ang laruan na angkop sa edad ng bata, sinabi ni Agatep na mahalaga rin na isipin ang safety o kaligtasan ng mga paslit.
"Mahalaga na matututo sila at made-develop ang kanilang skills," paalala ng doktora.
Kaya bago bumili ng ireregalo, mas makabubuti na alamin ang edad ng reregaluhan.-- FRJ, GMA Integrated News
