Peste man kung ituring ng iba, kabuhayan naman ang hatid ng mga daga para sa mga breeder ng mga tinatawag na “feeder rats.” Ang mga daga, pinaparami para ibenta at ginagawang pagkain ng ibang alagang hayop gaya ng mga ahas.

Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Oscar Oida, ipinakilala si Christian Macatula, rat breeder at may-ari ng “Pets hub” sa Cabiao, Nueva Ecija.

Ayon kay Macatula, pinararami niya ang feeder rats na ibinebenta niya upang ipakain sa ibang alagang hayop tulad ng ahas.

Mayroon umanong mga malalaking farm ng reptiles--gaya ng ball python-- na kailangan ng feeder rats para ipakain sa kanilang mga alaga. Ang minimum order na kaniyang nakukuha, pinakamababa ang 300 piraso ng daga.

Kumikita si Macatula ng P35,000 kada buwan, na nagiging triple pa tuwing Hulyo hanggang Disyembre, na siyang peak season ng market.

Sa nasabing mga buwan naghahanda umano ang mga ball python breeder. Kaya binibigyan nila ang mga ahas ng power feed para lumaki.

Nag-aalaga rin si Macatula ng mice o maliliit na daga para gawing lab rats para sa mga estudyante.

Ang maliit ay nagkakahalaga ng P70, ang medium ay P85, at ang large ay P110.

Sa kanilang ikaapat na buwan, kaya nang magbuntis ng mga daga. Nagbubuntis ang mga ito ng 21 hanggang 23 araw, at kayang maglabas ng walo hanggang 12 anak.

Wala ring season ang mga daga kaya kahit anong panahon ay maaari silang mag-breed.

Ang sinimulang paramihan na 10 feeder rats ni Macatula noong 2022, naging mahigit 1,000 na ngayon.

Sa isang 35 liters na breeding cage, mayroon itong magkakasamang 10 female at tatlong male.

Sunod nito, inihihiwalay ni Macatula ang lagayan ng buntis na breeders hanggang sa mga anak ito.

Kapag isang buwan na ang mga daga, pagsasamahin na ito sa isang colony, saka muling ililipat sa mas malaking kulungan kapag nasa apat hanggang limang buwan na.

Kahit na hindi high maintenance ang mga daga, sinabi naman ni Macatula na matrabaho nga lang ang pag-aalaga ng mga ito. -- FRJ, GMA Integrated News