Kinagiliwan ng netizens ang isang video ng katakam-takam na pabilog na tsokolate na nang buhusan ng mainit na gatas, natunaw at bumulaga ang paboritong almusal at comfort food ng mga Pinoy na champorado.
Sa nakaraang episode ng "Good News," itinampok ang Triple Chocolate Dome Champorado ng The Bistro by Le Blanc sa Antipolo City, na ang presyo, P249.
"Naisip namin 'yung champorado kasi mag-August na. We need a comfort food during this rainy season. Tapos, mas interactive, kumbaga experience para sa clients natin," sabi ni Mikaela Marie Hallare, COO ng The Bistro by Le Blanc.
Nag-umpisa ang ideya ng pag-aalok ng Champorado mula sa mga staff ng resto na ibinahagi ang kanilang childhood memories tuwing tag-ulan na champorado.
Sa tulong ng social media, hindi nila inakalang magiging blockbuster ang pila para sa kanilang champorado na may kakaibang presentasyon.
Nagpapa-espesyal daw sa kanilang champorado ang thick at creamy na consistency, at may kasama pang danggit. Ang kanila namang tsokolate, locally sourced na nanggaling sa Bicol at South Cotabato.
Sa isang cafe naman sa Biñan, Laguna, hindi lang chocolate dome na champorado ang matitikman kundi may iba pang flavors gaya ng ube o pandan.
"At bilang isang arkitekto, naisip ko nga na gawin itong dome para mapansin sa social media. Ito ini-release namin noong Christmas 2023 bilang seasonal flavor," sabi ni Arch. Romar Rosales, owner ng Maja Cafe + Donuts.
"Pero 'yung reception sa guests ay maganda, kaya in-stay namin ito hanggang ngayon ay tinatangkilik 'yung ube at saka yung pandan," dagdag ni Rosales.
Dahil sa pag-trend ng dome champorado sa social media, lalong lumakas ang bentahan ng champorado sa kanilang cafe na mula sa average na 20 champorado, nakapagbebenta na sila ng 150 champorado.
Matitikman ang Pinoy ube at pandan champorado sa halagang P325, at P199 naman kung solo version.
Dahil sa viral na dome champorado, kaniya-kaniyang pakulo na rin ang netizens ng kanilang bersyon ng champorado, gaya ng ginataang champorado at champorado na hinaluan ng daing na pusit.-- FRJ, GMA Integrated News