Bago pa man sumapit ang buwan ng Pebrero na “love month,” ilang Pinoy na ang nakararanas ng heartache o pagiging sawi sa pag-ibig. Nakaaapekto nga ba sa puso ang pagiging broken hearted, at ano ang "takotsubo" na problema sa puso? Alamin.

“Kapag nakakaramdam po tayo ng mga stressful na events, katulad na lang ng heartbreak… maaari talaga po maapektuhan ang puso. Kasi meron po mga hormones na nare-release, na katulad po ng mga adrenaline, cortisol, na nakakapagpabilis ng ating heartbeat, nakakapagpataas ng blood pressure,” paliwanag ni Dr. Ailen Albaña Tamargo, isang internist at cardiologist, sa Unang Hirit nitong Biyernes.

Ilan sa mga maaaring idulot ng pagiging stressed at emosyonal ng isang tao ang chest pain, na dahilan para mahirapan ang puso na mag-pump ng dugo.

Bukod dito, bumibilis din ang kaniyang breathing o paghinga.

Samantala, mayroon ding tinatawag na broken heart syndrome o “takotsubo” o stress cardiomyopathy.

Ang “takotsubo” ay salitang Japanese na tumutukoy sa palayok na ginagamit para manghuli ng mga Japanese octopus.

Ayon kay  Tamargo, sa “takotsubo,” lumolobo ang left ventricle ng puso, humihina ang heart muscle at lumiliit ang arteries dulot ng stress. Nagreresulta ito ng pagbaba ng blood flow kaya nahihirapan itong mag-pump.

“Kasi nga po dahil po roon sa hormones, sa adrenaline, bumibilis talaga po ‘yung heart rate,” paliwanag ni Dr. Tamargo tungkol sa isang taong may broken heart syndrome.

Nasa 60 hanggang 100 beats kada minuto lamang ang normal na heart rate ng isang tao. Kaya kung mayroon siyang broken heart syndrome, mas higit pa ito sa 100.

Mahalagang maunawaan ang pinagkaiba ng broken heart syndrome sa heart attack, dahil pareho lamang ang mga sintomas nito na sobrang sakit ng dibdib, pinagpapawisan nang malamig, hirap huminga, at mabilis na heart rate.

Para matukoy kung atake sa puso or broken heart syndrome, mainam pa ring pumunta sa ospital para matingnan ng cardiologist.

Ang broken heart syndrome ay hindi lamang posibleng maranasan ng mga broken hearted, kundi maging ang mga sobrang saya at mga nasa “extreme” physical at emotional stress gaya ng namatayan at naospital.

“Wala talaga pong eksaktong paraan para ma-prevent 'yung broken heart syndrome. Pero dahil po ito sa stress, ang kailangan po is stress management,” pagdiin ni Tamargo.

Payo ng internist at cardiologist, mag-ehersisyo, kumain ng nutritious food tulad ng green leafy vegetables at mataas sa Omega-3 gaya ng salmon, fish oil, salmon, mackerel, sardinas.

Nakabubuti rin ang whole wheat gaya ng brown rice, wheat bread, at berries.-- FRJ, GMA Integrated News