Pula ang mga mata, may matingkad na kulay berde ang balahibo, at katangi-tangi dahil sa pula rin nitong marka sa dibdib na tila pusong nagdurugo – ito ang Negros Bleeding Heart na tanging matatagpuan sa Negros Occidental. Pero ang magandang ibon na ito na mas madalas na nasa lupa, nanganganib nang maubos. Anu-ano nga ba ang mga hakbang na ginagawa para mapangalagaan sila at hindi tuluyang maglaho? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Born To Be Wild,” binisita ni Dr. Nielsen Donato ang isang forest park sa Bacolod City kung saan inaalagaan ang ilang Negros Bleeding Heart.

Sa halip na lumipad, ground dwelling ang mga ibon na ito, at madalas kumakain ng mga halaman o uod. Mahiyain ang mga Negros Bleeding Heart kaya mahirap silang makita sa ilang o wild.

Ayon kay Dr. Monica Atienza, head veterinarian ng Talarak Foundation, nanganganib nang maubos ang lahi ng Negros Bleeding Heart.

“They are ground doves and they can be easily preyed on. And then also, wala na rin kasing natitirang forest ang Negros,” sabi niya.

Sa kasalukuyan, may tatlong porsyento na lamang ang primary forest ng Negros, na isa rin sa mga rason kung bakit umabot sa critically endangered o nanganganib nang maubos ang bilang ng Negros Bleeding Heart.

“Mahirap silang i-breed kasi meticulous sila with the environment kung nasaan sila. If mag-put ka ng Bleeding Heart in a flock, they will not breed on their own. So kailangan meron silang specific area na sila lang dalawa. And walang sound, walang anything na makikita nila. And ‘yun, doon naging successful ‘yung breeding,” sabi ni Atienza.

Ginagawa ng mga eksperto ang translocation, o isang conservation technique kung saan dinadala sa ibang lugar ang mga hayop para doon paramihin ang kanilang populasyon.

Kaya kinailangan i-relocate o dalhin ang ilang Negros Bleeding Heart sa Singapore dahil mas moderno ang pasilidad ng kanilang breeding program doon.

Dahil dito, nagpadala ng anim na pares ng Negros Bleeding Heart sa Singapore ang Pilipinas noong 2021 sa pag-asang mapaparami sila--at hindi sila nabigo.

Pagkaraan ng ilang taon, may mahigit nang 10 progenies na naisilang ang anim na pares na naipadala sa ibang bansa.

Ibinalita ni Dr. Donato na nagbalik-bansa na ang ilang Negros Bleeding Heart na ipinadala at naparami sa Singapore.

Para sa kanilang acclimatization o pagsasanay sa bagong kapaligiran sa loob ng isang buwan, inilagay muna ang mga Negros Bleeding Heart sa isang quarantine facility at binalutan ng itim na tela ang kanilang mga kulungan para hindi ma-stress o manibago sa kanilang pansamantalang tahanan.

Pagkatapos nito ay ililipat sila sa isang forested area sa Bayawan, Negros Oriental para pag-aralan bago tuluyang pakawalan.

“I think they did pretty well as well. They settled in and then we actually also started breeding them not long after they arrived at Monday,” sabi ni Rachel Lee, keeper sa Mandai Wildlife Group.

Ayon pa kay Lee, dahil territorial at mailap ang Negros Bleeding Heart, kailangan ng masusing pagbabantay sa mga itlog at bagong panganak na ibon.

Kailangan ding pagsamahin muna ang lalaki at babaeng Negros Bleeding Heart upang  malaman kung magkakasundo sila, dahil posibleng hindi makabuo at makapangitlog kung may aggression o nag-aaway ang pares ng ibon. -- FRJ, GMA Integrated News