Umabot na sa 35 katao ang nasawi sa mapaminsalang ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao, ayon sa datos ng Office of Civil Defense (OCD).
Batay sa ulat ng OCD hanggang 8:00 pm nitong Lunes, nakasaad na 31 katao ang naiulat na nasawi sa SOCCSKSARGEN region o South-Central Mindanao, habang apat naman ang nasawi sa rehiyon ng Davao.
Sa 31 nasawi sa SOCCSKSARGEN, 17 ang nasa Sarangani, 12 sa General Santos City, at 2 sa South Cotabato.
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse (AFP), sinabi ng national disaster authorities na hindi bababa sa 12 katao ang nawawala pa, habang 134 naman ang nasugatan.
Kaninang umaga, nagbabala ang mga awtoridad sa mga residenteng nakatira sa mga baybaying lugar na lumikas patungo sa mas mataas na lugar matapos tumama ang lindol sa karagatan sa timog ng General Santos City, na hindi bababa sa siyam ang namatay.
Ayon sa United States Geological Survey (USGS), sunod-sunod na malalakas na aftershock ang yumanig sa lugar makalipas ang halos dalawang oras mula sa unang lindol. Ang pinakamalakas sa mga ito ay umabot sa magnitude 6.5.
Sa General Santos City, nasaksihan ng isang mamamahayag ng AFP nitong Lunes ng hapon ang mga rescuer na naghuhukay sa mga guho ng isang kilalang grocery store chain upang makuha ang katawan dalawang empleyadong natabunan.
Sinabi ni Rene Punzalan, pinuno ng disaster management sa lalawigan ng Sarangani, na 14 katao ang namatay sa bayan ng Glan matapos matabunan ng pagguho ng lupa ang kanilang mga bahay sa paanan ng bundok.
Pinakamalaking pagsubok umano ang kawalan ng komunikasyon dahil nawalan din ng kuryente kaya mahirap makakuha ng mga update sa iba pang mga lugar, ayon kay Punzalan.
Dagdag niya, mahigit 2,000 katao ang lumikas dahil sa tsunami warning na inilabas noong umaga at naghintay ng pahintulot upang makabalik sa kanilang mga tahanan.
Nagbabala ang Pacific Tsunami Warning Center na posibleng magkaroon ng tsunami sa mga baybayin ng Pilipinas, Indonesia, Palau, Taiwan at Papua New Guinea.
Gayunman, pagsapit ng hapon ay binawi na ng Pilipinas at iba pang bansa ang kanilang mga tsunami warning.— Agence France-Presse/ FRJGMA News
