Bukod sa kaniyang tindang piniritong baga ng baboy, agaw-pansin din ang tinaguriang “Baga Queen” ng Carriedo, Maynila dahil sa suot niyang mga gintong alahas habang nagtitinda. Ano ang kaniyang kuwento at mga hamon sa buhay na hinarap bago makamit ang tagumpay? Alamin.Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang viral street vendor na si Jackielyn Alfaro, may-ari ng “Baga ng Mama Mo.”Maagang nakaranas ng pagsubok sa buhay si Alfaro. Sa edad 19, nabuntis siya at tumigil sa pag-aaral. Dahil dito, pinagtinda siya ng kaniyang ina ng mga wallet."Pinagtinda ako ng Mama ko para may panggastos sa bata. Ayaw ng parents namin na iasa 'yung sarili mong pamilya sa kanila. Mahirap sa umpisa kasi bata pa kami,” sabi ni Alfaro.Sa kabila nito, nagpursigi at nagsipag siya, at nakapagtapos ng kolehiyo na may degree sa Hotel and Restaurant Management, Specialization in Cruise Line Management.Kahit na nakuha na niya ang kaniyang diploma, ipinagpatuloy pa rin ni Alfaroang kaniyang pagiging isang street vendor. Taong 2011 naman nang sinubukan niyang magbenta ng hotdog sandwich, at hotdog sa stick."Hindi pa uso ang mga vlogger is talagang dumog na 'yung tao sa akin. Box office queen ang tawag nila sa akin nu'n," sabi niya.Habang lumalaki ang kaniyang pamilya, unti-unti namang magkulang ang kaniyang kita. Dahil dito, nag-abroad din siya para magtrabaho."Umalis kasi ako ng Pilipinas. Baka sakaling suwertehin. Pero hindi rin," kuwento niya.Pagbalik ng Pilipinas, sinubukan niya namang magtinda ng mga prutas sa Quiapo.Gayunman, nagdulot ito sa kaniya ng malaking kawalan ng pera, at nabaon pa siya sa utang. Dumating pa ang mas malaking malas nang ma-scam siya ng P4 milyon noong 2020. Dahil dito, isinangla ni Alfaro ang kaniyang pinakamamahal na koleksiyon ng alahas.Nagtrabaho din siya sa isang aesthetic clinic sa loob ng anim na buwan noong mga panahong iyon.Kalaunan, nagpasya si Alfaro na bumalik sa pagtitinda para sa tatlo niyang anak. Sa ikatlong pagkakataon, bumalik siya sa Quiapo para magtinda.Nakaribal ang hotdog ni Neneng BNoong 2022, naging sikat ang mga food stall sa Quiapo dahil palagi itong itinatampok sa mga food vlog. Dito nagkaroon ng ideya si Alfaro."Doon ko naisip na ibalik 'yung hotdog sandwich ko sa Carriedo. Baka sakaling kagaya noon, tangkilikin ulit ng masa. Ayun nga, nag-boom bigla,” kuwento niya.Gayunpaman, nang sumikat si Neneng B na nagtitinda rin ng mga hotdog na may overload na keso, naapektuhan ang kita ni Alfaro."Siya na po 'yung hinahanap ng mga tao. Bumaba po talaga ang kita. Kaya sabi ko, ipagpaubaya na. Ibigay na lang po sa kanila. Maglalabas ako ng matatawag kong sariling akin." ayon kay Alfaro na naisip na baga ng baboy ang itinda at pangalanan na, "Baga ng Mama Mo."Nagsisimula ang araw ng pamilya ni Alfaro ng 7 a.m., upang kunin ng kaniyang asawa ang mga baga sa Divisoria. Tinatadtad nila ito at ginagawang adobo.Dadalhin naman ang paninda sa kaniyang stall sa Quiapo. At pagdating niya sa tanghali, buong araw na siyang magtitinda.Nagbago raw ang lahat matapos siyang mag-viral. Ngayon, nauubos ang kanilang stock pagsapit ng 7 p.m.Madalas silang nakakabenta ng 75 kilo mula Lunes hanggang Huwebes. Umaabot naman ito sa 100 kilo mula Biyernes hanggang Linggo.“'Yung lasa po, sinu-sure ko po talaga na walang lansa, masarap at malinis ko pong niluto," saad niya. "Pinipilahan na din 'yun. Tapos nagdire-diretso na 'yun."Dahil sa kaniyang matagumpay na negosyo at mataas na demand, nakapag-hire na rin siya ng mga tauhan. Sa isang araw, kaya niyang kumita ng P10,000.“‘Yung pasahod lahat ng tao, siyempre doon mababawas. Siguro half na lang din 'yung maiuuwi mo kasi 'yung mga tauhan ko po, libre ang pagkain nila mula almusal hanggang meryenda. Tapos ang sahod nila is medyo above minimum. Kasi 'yung pagod nila, kailangan suklian natin eh," sabi niya.Nagpapasalamat siya sa mga food vlogger dahil sa pamamagitan nila, nakilala ang kaniyang pagkain.Mga gintong alahasDahil lumalaki na rin ang kaniyang kita, unti-unti na rin siyang nakabibili ng mga gintong alahas."Ang mother ko kasi mahilig talaga siyang mag-alahas. Bata pa lang kami nasanay na kami sa mother ko na pinagsusuot niya kami ng gold," sabi ng isa sa kaniyang mga anak.Itinuturing ni Alfaro na investment ang kaniyang mga gintong alahas."Ito 'yung unang-unang mapapamana ko sa [mga anak ko] eh. Hindi ko naman pinapasuot sa kanila kasi sa panahon ngayon talaga delikado,” sabi niya.Dahil din sa baga, nakapagpundar na siya ng bahay at nakabili ng sasakyan. Napag-aral niya na rin ang kaniyang mga anak sa private school."'Yung mga anak ko 'yun eh. 'Yun 'yung pinakaimportante kaya araw-araw ko ginagawa ito. Para mabigyan sila ng magandang kinabukasan," sabi ni Alfaro."Tapos 'yung mga kapatid ng ampon ko, kapag kailangan nila ng tulong, sa akin sila lumalapit. Sa akin siya ngayon umaasa para makapagtapos siya ng pag-aaral,” pagpapatuloy niya.Tunghayan sa KMJS ang pagkikita nina Baga Queen at Diwata, na sumikat din dahil naman sa pagtitinda niya ng pares. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News