Pinatunayan ng isang pulis sa Parañaque na nakipagbuno sa isang lalaki na nagwawala habang may hawak na patalim na handa silang tumulong at itaya ang kanilang buhay para protektahan ang mga sibilyan. Binigyang-pagkilala ang isang pulis na duguan matapos siyang buong tapang na nakipambuno sa isang lalaking may butcher’s knife at nag-amok sa Barangay San Antonio, Valley 8, sa Parañaque.Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakita ang CCTV footage sa Barangay San Antonio, Valley 8 sa Parañaque, ang kabayanihang ginawa ni Police Staff Sergeant Carlo Navarro, na nakadestino sa Station 5 ng Parañaque Police Station.Kuwento ni Navarro, Mayo 23 nang makatanggap sila ng tawag tungkol sa isang nagwawalang tao sa lugar. Dahil dito, dumiretso sila ng isa pang kasamahang pulis upag rumesponde.“Pagdating namin sa lugar, naabutan namin 'yung tao na may hawak na basag na bote,” ani Navarro.Tinangka nila itong awatin at pakalmahin, ngunit hindi ito nagpaawat at nauwi sa mas matindi pang mga eksena.Tumakbo ang lalaki hanggang nakarating sa kabilang creek at nakapasok sa isang bahay kung saan nakakuha siya ng butcher’s knife o malaking patalim na pantaga.Nangamba si Navarro sa posibleng mangyari sa pagwawala ng lalaki dahil maraming residente sa lugar kung saan ito nasukol at may mga bata na posibleng madamay.“Naisip ko, baka mamaya, manghablot siya ng bata roon, gawin niya pang hostage. Mas minaigi ko na tawagin ‘yung pansin niya para sa akin na lang mapunta, para sa akin siya sumugod,” sabi ni Navarro.Kalaunan, nagpambuno na ang dalawa.“So pag-atras ko naman, na-outbalance ako. Sa pagka-outbalance ko, doon siya nagkaroon ng pagkakataon na sugurin ako para tagain,” kuwento ng pulis.Sa CCTV camera ng barangay, makikita ang walang habas pagwasiwas ng suspek sa hawak na patalim habang sinasalag ni Navarro. Sa kabutihang-palad, nangibabaw ang lakas ng sugatan at duguan na si Navarro at tuluyan nang nagapi ang nagwawalang lalaki.“Talagang naramdaman kong nahihilo na ako, kasi sobrang dami na ng dugo na tumagas sa akin,” sabi ni Navarro.Agad siyang dinala sa pinakamalapit na pagamutan, at nakaligtas sa kabila ng mga tinamo niyang sugat dahil sa taga.“Hindi niya iniisip 'yung sarili niya. Iniisip niya lang 'yung ibang tao, mailigtas 'yung mga tao nandu’n sa lugar na ‘yun. At kahit na magkaroon pa siya ng malaking sugat sa kanyang katawan, na itiniis niya po ‘yun para lang po magampanan 'yung kanyang tungkulin,” ayon kay Patrolman Kenneth Demavivas, mobile/beat patrol ng Parañaque Police Station.Pinarangalan si Navarro ng kaniyang organisasyon dahil sa ipinamalas niyang katapangan at kabayanihan, na kaniya namang ipinagpapasalamat.Ang mga residente sa lugar, nagpasalamat din Navarro dahil sa ginawang katapangan na itaya ang sariling buhay para sa kaligtasan nila.-- FRJ, GMA Integrated News