Sa mundo ngayon ng modernong teknolohiya, hindi magpapahuli ang mga gamit sa bahay, kahit pa ang nasa palikuran. Gaya ng "smart inidoro" na maaaring utusan para kusang bumukas at magsara ang takip, at mapagana ang bidet nang walang pipindutin.Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang negosyo ng dating OFW na si Jhonie Fegidero, na CEO at Founder ng Kanzen Home. Layunin niya na dalhin ang “modern luxury” at “affordable” na mga gamit sa mga tahanan, na isang konseptong nagmula sa Japan.Ang ibinebenta niyang mga smart toilet, may mga sensor din para kusa nang magbubukas ang lid paglapit pa lang ng tao.Ginagamitan din ito ng artificial intelligence o AI para sa voice command, at mayroon pang warm air dryer, built-in bidet, at UV sterilization.Sa pamamagitan ng built-in microphone, nade-detect ng smart toilet ang ilang utos na sinasabi ng tao at ipoproseso na ipoproseso ng AI para gawin ang utos. Hindi lang iyon, sumasagot pa ang inidoro kapag nagawa na niya ang utos.May wireless remote din ito at puwede ring gamitin nang mano-mano.Umaabot ang presyo ng smart toilet sa halagang P26,990 hanggang P66,990, depende sa mga feature nito.Mahigit dalawang taon na Kanzen Home sa merkado.“Hindi rin po namin na-expect since medyo bago po 'yung technology sa atin dito sa Pilipinas. Pero so far naman nu’ng nilabas po namin ito, maganda 'yung response ng market. Interesado po sila,” sabi ni Fegidero.Bukod dito, mayroon ding ibang produkto ang Kanzen Home gaya ng smart showers, smart faucets at smart locks na katulad sa mga napanonood sa mga K-drama.Ginagamitan na ang mga ito ng fingerprint o face card.Sa tulong ng social media, napalawak nila ang kanilang market at naibenta ang kanilang mga produkto. Kumuha na rin sila ng influencers at celebrities para i-promote ang kanilang mga produkto.Bago naging negosyante, naging OFW muna si Fegidero bilang front office staff sa isang hotel. Kalaunan, nakahanap siya ng kumpanya na business-related.Pinasok niya ang pagnenegosyo para sa pamilya, at kumikita na ng six hanggang seven digits kada buwan.“I make sure na 'yung finances natin is hindi tayo nag-o-overspend, hindi tayo nag-i-invest sa hindi naman pa necessary sa ngayon. Instead, mag-i-invest tayo du’n sa mga alam natin na makakapag-improve ng services natin.”Dahil sa negosyo, masaya rin si Fegidero na umaangat din ang mga tao sa paligid niya.“Pagka ang goal natin is makatulong sa mga tao sa paligid natin, magiging smooth and effortless lahat. So naging effortless lahat kasi lahat ng mga gusto mong tulungan, tinutulungan ka rin pabalik,” paliwanag niya. -- FRJ, GMA Integrated News