Ilang Pinoy ang nabibiktima ngayon ng modus na “task scam.” Ang pangloloko, magsisimula sa pag-chat at pagpapadala ng mensahe sa biktima ng magpapakilalang employer at magpapagawa ng simpleng task kapalit ng pera. Ngunit ang ipinangakong investment, hindi ibibigay, at tangay pa ang pera ng biktima.Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing may nagmensahe kay “Bea,” hindi niya tunay na pangalan, na nagpakilalang staff ng isang digital marketing agency at may alok na work from anywhere.Aabot umano sa hanggang halos P9,000 kada araw ang kikitain ni Bea sa simpleng pag-like lang ng mga produkto sa shopping apps.“May pinagawa siya sa isang shop na i-heart po ‘yung parang product. Kada po may pinapagawa silang ganu’n na i-heart, nagbibigay naman po sila ng P160 hanggang tatlong beses po,” sabi ni Bea.Hanggang sa inalok si Bea napatubuin ang kaniyang pera sa isa umanong investment.“‘Yung P1,200 ko naging P1,560. Tapos nakalagay naman po doon 'yung sumunod is P3,500 na po. May binigay po na link sa parang Bitcoin. Doon po 'yung parang mag-i-invest, lalaki daw po 'yung pera doon,” sabi ng biktima.Dahil sa pangakong malaking tumubo, nangutang na si Bea para makapaglaan ng mas malaking pera. Gayunman, hindi na ito ibinalik at binlock siya ng kausap.“Natulala po ako doon eh kasi ‘yung P6,000 doon sa P9,800, inutang ko lang din po ‘yun. Akala ko kikita ako, mas nalugi pa pala,” sabi ni Bea.Ganito rin ang nangyari kay Pearl Valenzuela-Baltazar, na na-scam ng mahigit P38,000.“Professional sila, ang galing nila magsalita. Kumbaga, madadala ka talaga. Sakto, kasi that time talaga naghahanap din ako ng side hustle,” sabi ni Baltazar.Nagmakaawa pa si Balbatzar na ibalik sa kaniya ang P38,000 ngunit hindi siya pinansin at binlock din.Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC na "task scam" ang modus.“Pasasakayin ka eh. Kunwari mga gagawin mo para kumita ka, di ba? Tapos ang mabigat kasi dito, grupo-grupo din ‘yan,” sabi ni Undersecretary Gilbert Cruz, Executive Director ng PAOCC.Maaaring nakukuha ang cellphone number ng mga biktima gamit ang MC catchers o mga device sa may kakayahang humigop ng numero, mensahe at iba't ibang data sa mga smartphone sa paligid.“Kukunin nila 'yung mga cellphone numbers tapos iti-text blast nila ngayon. ‘Pag nahagip 'yung phone mo nu’ng mga ads nila ngayon at ikaw ay na-engganyo, doon mapapasakay ka na at sigurado madadali ka nila kung tutuloy-tuloy mo 'yung task cam na ibibigay sa'yo,” ani Cruz.Posible ring nakuha ang mga number mula sa mga dating na-click na phishing websites, ayon sa CICC o Cybercrime Investigation Coordinating Center.“Magbibigay ka ng number mo, pangalan mo, tsaka 'yung email address mo. Akala mo kumukuha ka lang ng promo or ng discount. 'Yun pala, kinuha na nila 'yung details mo para ibenta sa iba,” sabi ni Assistant Secretary Aboy Paraiso, Deputy Executive Director ng CICC.Patuloy ang pag-iimbestiga ng PAOCC sa mga scam na posibleng mga Pilipino ang operator.Para naman sa mga naghahanap o maghahanap ng trabaho, walang sino mang lehitimong employer ang hihingi ng pera mula sa isang nag-a-apply kapalit ng trabaho.Hindi rin basta-basta magmemensahe ang mga employer sa messaging apps kung hindi naman nag-apply ang isang naghahanap ng trabaho.“Employers do not get in touch with individuals. They pass through channels or platforms. Nobody calls from a company to offer a job to somebody. People should be suspicious by this system alone,” paalala ni Sergio Ortiz-Luis Jr., President ng Employers Confederation of the Philippines.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News