Taunang ginaganap ang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo ng bansa. Si dating Pangulong Manuel L. Quezon ang unang nagsagawa ng SONA noong Nobyembre 1935 sa dating Legislative Building sa Maynila, na National Museum na ngayon.

Dalawang presidente naman ang hindi nakapag-SONA-- ang kinikilalang unang pangulo ng bansa na si Emilio Aguinaldo at si Jose Laurel. 

Si Elipidio Quirino, ginawa ang ikalawang SONA habang nakaratay sa Johns Hopkins Hospital sa Baltimore, Maryland, USA, at ipinarating ang talumpati sa pamamagitan ng radio broadcast sa pamamagitan ng RCS.

Isinagawa naman nina Ramon Magsaysay, Carlos P. Garcia, at Diosdado Macapagal ang kanilang mga SONA sa dating Legislative Building.

Sa loob ng 21 taon, inihatid ni Ferdinand Marcos Sr. ang kaniyang SONA sa iba't ibang lugar, kabilang ang Legislative Building, Malacañang Palace, Quirino Grandstand, Philippine International Convention Center, Luneta Park, at sa Batasang Pambansa, na patuloy na pinagdadausan na ngayon ng SONA mula noong 1986.

Pinaka-kaunting SONA naman ang ginawa ni Osmena na isa lang nang noong 1945 nang maibalik ang Philippine Commonwealth matapos ang Second World War. 

Ang pinakamaikling talumpati sa SONA ay ginawa ni Gloria Macapagal-Arroyo noong 2005, habang ang pinakamahaba namang talumpati ay kay Marcos Sr. noong 1969.


Si Benigno Aquino III naman ang unang pangulo na nagtalumpati sa SONA nang buo sa wikang Filipino.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News