Wala nang buhay nang matagpuang nakasilid sa garbage bag at iniwan sa ilalim ng kama ang isang 35-anyos na babae sa Bataan. Ang biktima, binigti umano ng asawa niyang security guard gamit ang kawad ng kuryente.
Sa ulat ni Darlene Cay sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing tatlong araw na umanong patay ang biktima bago siya natagpuan ng kaniyang mga kaanak.
Ayon sa mga kapatid ng biktima, ang asawa niyang security guard ang may gawa ng krimen.
“Naghiwalay po talaga sila dahil ‘yung lalaki, nambabae po. Ang gusto niyang mangyari, magkabalikan silang mag-asawa. Eh ayaw na po ng kapatid ko. Ibang klase ang ginawa niya sa kapatid namin. Brutal ‘yung ginawa niya,” sabi ni Linabe Arguelles, kapatid ng biktima.
Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa suspek. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
