Nabuhayan ng pag-asa ang isang pamilya sa San Manuel, Isabela, na manunumbalik ang alaala ng kanilang kaanak na binatilyong lumalaban sa bacterial meningitis na halos mawala na ang memorya nang makita at nakilala niya ang kaniyang mga kaibigan.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Bryan Reccion, na na-diagnose ng bacterial meningitis na isang impeksiyon sa utak.
Ayon sa kaniyang inang si Judy Vina Reccion, hindi sumasagot si Bryan sa kapag tinatanong at hindi maintindihan ang sinasabi ng binatilyo.
“Marami siyang hindi naalala. Kilala mo ako?’ sabi ko sa kaniya. 'Yung mama lang 'yung sinabi niya, hindi niya alam 'yung pangalan ko,” kuwento ni Judy. “Awang-awa ako sa anak ko tapos masakit din sa [puso] na hindi niya kami makilala.”
Ngunit nang dumalaw ang mga best friend ni Bryan na sina Michael John Faraon at Jomar Aguinaldo, tila himalang naalala niya ang pangalan ng mga ito.
“Si Michael at si Jomar 'yung una niyang naalalang kaibigan. Samantalang 'yung asawa ko at 'yung anak ko hindi pa niya masabi 'yung mga pangalan nila,” sabi ni Judy.
Ayon kay Michael, magkakasama na sila nina Bryan at Jomar mula pa noong Grade 9. Mas lalo pa silang naging close nang maging magkaklase sila sa Grade 10.
Araw-araw silang magkakasama tuwing walang pasok, at paborito nilang bonding ang food trip. At tuwing may problema, nariyan sila para sa isa't isa.
“Minsan po pumapasok po ako nang walang baon. Si Bryan po lumalapit sa akin, binibigyan niya po ako. Minsan po hindi ko tinatanggap kasi alam kong pangbili niya rin po 'yun ng kaniyang makakain,” ani Michael.
Hanggang sa napansin ni Judy nitong nakaraang buwan nang sumakit ang ulo ni Bryan. At kalaunan biglang nag-seizure ang binatilyo.
Ipinaliwanag ng pediatrician na si Dr. Rae Laura De Leon kung paano nakaaapekto ang bacterial meningitis.
“Ang bacterial meningitis po, pwede siyang makuha sa infections sa baga, infections sa tenga. Kapag napunta po itong infection na ito sa dugo, puwede siyang umakyat sa utak,” sabi ni Dr. De Leon.
Ilang araw na walang malay sa ospital si Bryan.
“Hindi bumaba ang lagnat niya. Tapos lagi siyang nanginginig. Akala ko nga, mamatay na siya eh. Nu’ng pangatlong araw na, ayon, nagising na pero patuloy pa rin 'yung pag-chill niya,” sabi ni Judy tungkol sa kaniyang anak, na unti-unti na ring nabura ang mga alaala.
Hindi naitago ang sakit na naramdaman nina Michael at Jomar sa kondisyon ng kanilang matalik na kaibigan.
“Nasaktan po. Dahil 'yung dati niya pong saya, ay napalitan po ng tahimik. Wala na pong nangasar at wala na pong nagpapatawa sa amin,” sabi ni Jomar.
“Gusto ko po sanang gumaling na agad at bumalik na po 'yung dating siya para may kasama na po kami ulit. Miss ko na po kasi 'yung dating pagsasama namin,” emosyonal na sabi ni Michael.
Lumaban si Bryan sa kaniyang sakit hanggang sa bumalik na rin ang lakas sa pagkain. Gayunman, naapektuhan ng kaniyang sakit ang kaniyang alaala.
Naging emosyonal ang tagpo sa tahanan nina Bryan, nang bisitahin siya ng kaniyang mga best friend na sina Michael at Jomar.
Napuno nang malakas na kasiyahan ang bahay nang maalala ni Bryan ang kaibigan at bigkasin pa ang pangalan ni Michael, na nagawa niya sa unang pagkakataon matapos gumaling.
Si Jomar naman, hindi napigilang umiyak nang makita ang kalagayan ni Bryan na tahimik gayung dati itong masayahin at palabiro sa kanilang grupo.
Panoorin sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang muling pagbisita nina Michael at Jomar kay Bryan, at ang pagbabasa nila ng madamdaming mensahe para sa kanilang best friend. – FRJ GMA Integrated News
