Dahil sa muling pagbaha sa maraming lugar sa Luzon dulot ng malalakas na pag-ulan na dala ng mga bagyo at Habagat nitong nakalipas na dalawang linggo, bumalik na naman ang sama ng loob ng marami sa nasayang na pondong inilaan sa mga flood control project na kinurakot umano ng ilang opisyal at pulitiko. Gaya sa isang dating magandang subdibisyon sa Hagonoy, Bulacan na mayroong malalaking bahay pero inabandona na ang karamihan dahil nalubog na rin sa baha ang lugar.

Sa Baguio City, may naganao na pagguho ng bahagi ng bundok na tumabon sa isang pamilya at nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa 10 katao. Nakaranas din nang biglaang pagbaha sa Benguet, habang bumigay ang bahagi ng isang dike sa Ilocos Sur.

Sa La Union, hindi madaanan ng mga motorista ang ilang kalsada matapos umapaw ang Baroro River sa San Juan. Sa Dagupan City, Pangasinan, 31 barangay ang nalubog sa baha, habang umabot naman hanggang leeg ang tubig sa ilang bahagi ng Pampanga.

Apektado rin ng pagbaha ang ilang lugar sa Cavite at Batangas, at may mga residente na tumulong sa mga tao na-stranded sa patuloy na pagtaas ng tubig. Sa isang insidente, muntik nang tangayin ng malakas na agos ang isang mangingisda na nailigtas naman ng kaniyang mga kasama.

Ayon sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napinsala rin ng matinding sama ng panahon ang ilang proyekto sa flood control sa iba’t ibang lugar. Kabilang ang isang proyekto sa Tigbauan, Iloilo na nagkakahalaga ng halos P140 milyon at natapos lamang mga tatlong buwan bago ito napinsala.

Baha sa Hagonoy

Isa sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng baha ang Hagonoy, Bulacan, kung saan sinabi ng mga residente na patuloy silang nakararanas ng pagtaas ng tubig sa kabila ng mga flood control project na isinagawa rito sa loob ng maraming taon.

Personal na nagtungo si Jessica Soho sa mga binahang lugar sa bayan.

Ayon kay Mayor Rosario Sy-Alvarado Mendoza, hindi dapat sabihing sanay na sa baha ang mga residente.

“Ayaw po namin sabihin na sanay na. Dapat po sinasabi na namin ngayon ay sawa na. Sawa na po ang taong-bayan ng Hagonoy sa baha po na aming nararanasan araw-araw,” giit niya.

Ayon sa alkalde, 13 barangay ang araw-araw na nakararanas ng pagbaha kapag high tide. Apektado rin ang pangingisda, na isa sa pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan sa bayan, kapag masyadong malakas ang hangin at mataas ang tubig.

Dagdag ni Mendoza, dahil sa lokasyon ng Hagonoy na nakaharap sa Manila Bay, madaling maapektuhan ang bayan ng high tide at ng tubig na dumadaloy mula sa ibang bahagi ng Central Luzon.

Batay sa datos na binanggit ng programa, mahigit 40 flood control project ang isinagawa sa Hagonoy mula 2023 hanggang 2025, na may pinagsamang halaga na humigit-kumulang P3.52 bilyon.

Sinabi ng alkalde na nakakalat ang mga proyekto sa iba’t ibang barangay at hindi sapat upang matugunan ang problema ng bayan sa pagbaha. Ipinaliwanag din niya na hindi kinonsulta ang lokal na pamahalaan tungkol sa lokasyon o paraan ng pagpapatupad ng ilan sa mga proyekto.

Natuklasan din ng imbestigasyon ng programa ang ilang proyekto sa Hagonoy na tinukoy bilang ghost projects, habang ang iba naman ay hindi natapos o hindi gumagana.

Isang halimbawa nito ang flood gate sa Barangay Iba na hindi tinapos. Ayon kay Hagonoy municipal engineer Engr. Eugene Miguel, proyekto ito ng DPWH at hindi ng municipal government.

“Sa ngayon po, hindi pa po siya functional. Nakaharang po siya sa waterway.”

Ayon kay Engr. Miguel, kabilang ang naturang proyekto sa mga ipinahinto dahil sa mga kontrobersiyang bumabalot sa flood control projects. Sinabi rin umano ng DPWH na aayusin ang naturang proyekto.

Ang kontratistang nasa likod ng proyekto ay kinilalang Ferdstar Builders and Contractors.

Sa isang pahayag, sinabi ng Ferdstar Builders and Contractors na, “Further, the DPWH and the Company have mutually agreed to terminate the contract for the Project, which has been halted in light of the ongoing investigations involving other projects of other contractors within the same DPWH district in Bulacan.”

Magandang subdibisyon noon

Natatagpuan sa Hagonoy ang Mary the Queen Home Subdivision, na isang napakagandang subdibisyon noon at inakalang hindi babahain ang lugar dahil sa disenyo at itinaas din ang lugar.

Sa nagdaang 30 taon, hindi inasahan ng mga nakatira sa subdibisyon na malulubog sa baha ang kanilang lugar.

Makikita sa subdibisyon ang ilang malalaki at magagandang bahay na inabandona na ng may-ari. Kompleto rin umano sa pasilidad ang kanilang lugar, kinilala pa raw noon na model subdivision ang lugar.

Ayon kay Luistro na presidente ng homeowners sa subdibisyon, sa halos 200 bahay sa kanilang lugay, nasa 50 na lamang ang tinitirhan, habang umalis na ang ibang residente doon dahil sa problema sa baha.

Hinanakit ni Luisito, kung nagamit lang nang tama ang mga pondong inilaan sa flood control project ay maaaring naibsan kahit papaano ang kanilang paghihirap.

Patuloy na naninirahan ang pamilya ni Luisito sa kanilang binahang bahay dahil hindi nila kayang lumipat sa ibang lugar.

Gumagawa rin ang mga residente ng iba’t ibang paraan upang makayanan ang pagbaha. Gaya ng ilang tricycle na tinaasan na upang magamit pa rin kahit malalim ang tubig.

Sinabi ng isang residente na minsan ay natulog at kumain ang kanilang pamilya sa loob ng tricycle dahil sa baha.

“Sana naman po, eh, marinig n’yo ang hinahing namin. At talaga ho kami, ayaw lang namin umalis dito. Eh, nagtitiis na lang po kami. Hindi namin naranasan tag-araw dito,” anang residente.

Napinsalang flood control structures

Sa Marilao, Bulacan, gumuho ang isang bagong tayong retaining wall matapos ang malalakas na pag-ulan. Ayon sa ulat, hindi ito proyekto ng DPWH.

Sinabi ng residenteng si Meiji, halos dalawang buwan pa lamang nakatayo ang istruktura.

Hiniling ng mga residente na palitan nito ang isang riprap na itinayo noong 2009. Inaprubahan ito ng lokal na pamahalaan ng Marilao at sinimulan noong Enero. Natapos ito noong Hunyo bago gumuho noong Agosto 10.

Sa isang pahayag, sinabi ni Marilao Mayor Atty. Jemina Sy, “Una, hindi po ito flood control project. Ang purpose ng project ay riverbank protection at pagtugon sa soll erosion sa isang lugar na matagal nang prone sa erosion. Patuloy pa rin nating inimbestigahan kung ano talaga ang naging dahilan ng pagkasira.”

Sa Ilocos Sur, napinsala rin ang isang flood control structure sa tabi ng Santa Maria River sa Narvacan dahil sa malalakas na pag-ulan.

Sinimulan ang proyekto noong Marso 2025 at dapat ay natapos ang kontrata noong Marso 2026. Humigit-kumulang P112.3 milyon ang inilaan para rito, kung saan ang DPWH Regional Office 1 ang implementing agency at ang SATRAP Construction Co., Inc. ang kontratista.

Sinabi ni SATRAP President at General Manager Engineer Harold Molina na nakaranas ng mga pagkaantala ang proyekto at natapos lamang noong Hulyo.

“Siyempre, that is the force of nature. Alam mo naman ‘yung bagyo, ‘di ba dumaan ‘yung Luis at saka si Maymay. Siyempre, malakas ang tubig. So ang concentration ng tubig is lumapit dito, kaya dito ang tinamaahan ‘yung slope protection natin,” paliwanag niya.

Ayon kay Molina, responsibilidad ng kontratista na ayusin ang mga pinsala habang nasa warranty period ang proyekto.

Tinatayang aabutin ng karagdagang tatlong buwan ang pagkukumpuni.

Sa isang pahayag, sinabi ng DPWH sa Ilocos Sur na pangunahing saklaw ng proyekto ang pagtatayo ng permanenteng tulay sa Barangay Nanguneg West, Narvacan, Ilocos Sur. Kasama rin sa kontrata ang pagtatayo ng flood control structures o FCS.

Dagdag ng DPWH, nagpapatuloy pa ang proyekto at paglalagay na lamang ng bridge railings ang isinasagawa. Dahil hindi pa bukas ang tulay para sa regular na paggamit, pansamantalang dumaraan ang mga tao at sasakyan sa isang access road na gawa sa earth fill sa ilalim ng tulay.

Ayon sa DPWH, dahil sa ilang araw na tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan at pagtaas ng agos ng tubig, paulit-ulit na nalantad sa matinding puwersa ng tubig ang FCS. Nagresulta ito sa paghina ng pundasyon at tuluyang pagguho ng bahagi ng istruktura.

Dahil dito, sinabi ng ahensya na hindi nangangahulugang substandard ang pagkakagawa ng proyekto dahil lamang sa agarang pagkasira ng FCS.

Sinabi rin ng DPWH na nananatiling responsibilidad ng kontratista ang kinakailangang repair o remedial works at agad na nakipag-ugnayan ang ahensya sa kontratista upang maisagawa ang mga hakbang na kailangan para maiwasan ang karagdagang pinsala sa proyekto.

May pag-asa pa bang magkaroon ng pagbabago sa DPWH sa harap ng mga lumabas na usapin ng katiwalian na kinasasangkutan ng ilang tauhan at opisyal ng kagawaran? Tunghayan ang tugon dito ni Secretary Vince Dizon, na ilang beses nang napamura dahil sa pagkadismaya sa nga nakikita palpak na proyekto. Panoorin ang buong ulat sa video ng KMJS.

FRJ GMA News