Hinimok ng pamahalaang Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga awtoridad ng China na pangalagaan ang kapakanan ng 100 Pilipinong inaresto nila dahil umano sa ilegal na pagtatrabaho o paninirahan sa nasabing bansa.

Nauna nang sinabi ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na si Guo Jiakun, na nagsagawa sila ng aksiyon laban sa mahigit 100 Pilipinong pinaghihinalaang ilegal na nagtatrabaho sa kanilang bansa.

Kinumpirma naman ng DFA ang malawakang pag-aresto na ginawa ng China laban sa mga Pinoy.

“The Philippines respects China's sovereign right to enforce its immigration laws, as it does the right of every state to enforce its own laws on foreign nationals within its jurisdiction, in accordance with due process and established legal procedure,” saad ng DFA sa isang pahayag nitong Huwebes.

“At the same time, we call on Chinese authorities to safeguard the welfare of the arrested Filipinos and to promptly notify our Foreign Service Posts of their arrest and detention, consistent with the Vienna Convention on Consular Relations and the 2013 Philippines-China Consular Agreement,” dagdag nito.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang DFA sa Philippine Embassy sa Beijing at sa mga Consulate-General upang makakuha ng karagdagang detalye, kabilang ang mga pangyayari sa likod ng pag-aresto at ang opisyal na bilang ng mga Pilipinong nakakulong.

Sinusuri rin ng ahensiya kung nasunod ang tamang proseso ng batas sa pangyayari.

Nauna nang binatikos ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang pag-aresto ng China sa mga Pilipino at tinawag na isang uri ng “blackmail.”

“We strongly condemn both the attempt by China to interfere in our law enforcement processes and the blatant blackmail against Filipinos,” ani Teodoro. — Jean Mangaluz/FRJ GMA News