Isang sanggol ang ipinanganak at lumaki sa kulungan dahil makabilanggo noon sa Women’s Correctional ang kaniyang ina at lola. Ang sanggol, binata na ngayon. Silipin ang kaniyang naging buhay na lumaki sa likod ng rehas at napaliligiran ng mga Person Deprived of Liberty (PDL) at ng mga jail guard.

Sa nakaraang episode ng i-Listen ni Kara David, ipinakilala si Paul Gangcuangco Pili, kasama ang kaniyang ina na si Aleth Gangcuangco, at lola na si Natividad o Naty.

Nakilala sila ni Kara noon pang 2014 nang gumawa siya ng dokumentaryo sa loob ng Women's Correctional tungkol sa Dorm 12.

Labis ang kasiyahan ni Kara na malaya na sina Lola Naty at Aleth, na mga nakulong noong 1994.

Ikinuwento ni Paul o Pau, na isinilang siya sa kulungan sa gitna ng hearing ng kaso ng kaniyang inang si Aleth at lola na si Naty.

Ayon kay Aleth, si Pau ang unang ipinasok sa kulungan matapos niya itong ipanganak. Naiwan daw siya sa klinika matapos na manganak dahil nagkaroon siya komplikasyon.

Kaya habang nasa loob, inalagaan si Pau ni Lola Naty at iba pang mga preso.

“Sila ang kumukuha kapag umaga, pinasususo, pinagtutulog. Tapos binabalik sa akin,” kuwento ni Lola Naty tungkol sa mga ginawa ng mga kapuwa niya preso.

“Walang bata doon kaya nakakita sila ng parang manika,” sabi ni Aleth.

Dahil sa pagkatuwa ng mga preso sa sanggol na si Pau, inaasikaso siya ng mga ito maging ng mga lalaking preso. Doon na rin siya sa loob ng kulungan nabinyagan.

Kaya namulat ni Pau na normal lamang ang kaniyang buhay sa kulungan.

“Ang totoo po yan, nung nagkaroon ako ng idea is normal life, normal family. Andiyan din sila nanay. Marami lang tao. At the same time, may tulugan. Parang normal na buhay po. Hindi ko po naisip (na nasa loob ako ng kulungan),” ani Pau.

Ngunit nang mag-aral na, doon napagtanto ni Pau na kakaiba ang lugar na kaniyang kinalakihan.

Sa kabila ng kaniyang kinalakihan at mga dinadaanang pagsubok, ipinakita ni Pau ang determinasyon niya sa pag-aaral. Kamakailan lamang nakapagtapos na si Pau ng master's degree.

Ito ang unang graduation na dinaluhan nina Lola Naty at Aleth.

“Ang plano ko talaga is future family with my girlfriend. Ni-ready ko na rin sila dahil malapit na rin po hopefully. And, siyempre, marami pang moments with them,” sabi ni Pau.

Samantala, nakamit naman nina Lola Naty at Aleth ang kanilang kalayaan matapos ang 25 taon.

“Marami pa po kami hinihiling. Like, gusto namin magkaroon kami sa sariling bahay. Like, siyempre, mag-aalaga ng mga apo. ‘Yung mga ideal family,” sabi ni Pau para kina Aleth at Lola Naty.

Tunghayan ang buong kuwento nina Pau, Nanay Aleth at Lola Naty sa video ng ito ng I-Listen.—FRJ GMA News