Perwisyo man ang dulot ng baha tuwing high-tide at malakas ang ulan, may pagkakataon naman na nagiging biyaya rin ito. Gaya ng nangyari sa mga batang nakahuli ng malaking isdang “Toman” sa binahang kalsada sa Calumpit, Bulacan.

Sa video ng ibinahagi ng Youscooper na si Kim Cortez Infante, makikita ang isang malaking isda na lumalangoy sa binahang kalsada sa Barangay Panducot hanggang sa makorner ng mga bata noong Agosto 12, 2026.

Sa sobrang laki ng isda, halos hindi na ito magkasya sa basket matapos na mahuli ng mga bata.

Ayon kay Kim, ang nahuling isda ay tinatawag na “Toman.” Madalas umanong makikita ang iba’t ibang uri ng isda sa kanilang lugar tuwing bumabaha.

Sa isang episode ng programang “Born To Be Wild,” sinabing ang “Toman” ay mga snakehead fish na nakikita sa ilog sa Calumpit.

Itinuturing itong “invasive species” na mula sa ibang bansa, at kinakain nito ang mga native at endemic na isda sa Pilipinas.

Native o nagmula ang Toman sa bansang Indonesia, Malaysia at Thailand. Ngunit dahil sa sport fishing, nakarating umano ito sa Pilipinas.

Malaki ang ulo, matatalas ang mata at matutulis ang ngipin ng mga Toman. Kaya umano nitong mabuhay ng apat na araw nang walang tubig.

Samantala, sa susunod na episode ng Pinas Sarap ni Kara David, ipakikita rin ang biyaya ng ilog kapag bumabaha sa Pampanga kung saan nagiging mangingisda ang mga magsasaka dahil sa dami ng isda na kanilang nahuhuli.

Alamin ang mga uri ng isda na mahuhuli sa ilog sa susunod na food adventure sa Pinas Sarap sa darating na Sabado sa ganap na 8:15 PM sa GTV. – FRJ GMA News