Isang 40-anyos na lalaki ang nasawi, habang sugatan ang isang 21-anyos na call center agent sa nangyaring pamamaril sa labas ng isang paaralan sa Taguig City nitong Lunes ng madaling araw.
Batay sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente dakong 5:50 am sa Pulong Kendi Street sa Barangay Sta. Ana.
Ayon sa pulisya, inihayag ng isang saksi na nakarinig ito ng putok ng baril at nakita na lang niya na nakahandusay na ang isang biktima sa kalsada.
Dinala sa ospital ang dalawang biktima, ngunit idineklarang dead on arrival ang 40-anyos na biktima, habang patuloy na naka-confine ang isa pang biktima.
Sinabi ng pulisya na hindi pa nakikilala ang suspek na nakasuot umano ng itim na helmet, asul na sweatshirt, puting pantalon, at nakasakay sa motorsiklo na kulay gray.
Nagsasagawa ang Taguig Police Sub-Station 4 Tracker Team at Intelligence Section ng pagsusuri sa CCTV camera na maaaring makatulong upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.
Nakipag-ugnayan din ang pulisya sa Southern Police District (SPD) Forensic Unit, habang patuloy pa ang imbestigasyon.— Joviland Rita/FRJ GMA News

