Daan-daang Czechs at mga turista ang namangha sa partial solar eclipse na natanaw rin sa Prague, Czech Republic.
Nangyari ang maximum ng eclipse kasabay ng paglubog ng araw, bandang alas-otso kinse ng gabi, oras sa Czech Republic–sa likod ng pamosong Prague Castle.
Kaya naman pumalakpak at naghiyawan ang mga manonood dahil sa nakamamanghang tanawin na huli pang nangyari sa bansa noong 1999.
Bago nito, halos maghapong nag-abang ang mga manonood–na ang karamiha’y nag-picnic at nagdala pa ng mga beer.
Ang iba naman, nag-gantsilyo habang hinihintay ang eclipse.
Sa eclipse na nakita sa Prague, walumpu’t anim (86) na porsyento ng araw ang natakpan ng buwan.
Sa Greenland, Iceland, at malaking bahagi ng Espanya, total solar eclipse ang naranasan kung saan nabalot ng buwan nang buo ang araw. —LDF GMA News
