Laking gulat at pagkamangha ng isang hiker nang makakita siya ng makulay at dambuhalang bulate nang umakyat sa isang bundok sa Aurora.

Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang nakuhanan ng video ni Alman Dave Quiboquibo na pambihirang bulate nang akyatin niya ang Mt. Magdalenas.

Ayon kay Alman, kulay itim ang bulate na may disenyo na spot o batik-batik na tila prinitong itlog.

Tinatayang may haba itong 10 inches at mas mataba pa raw sa kaniyang daliri.

Ang naturang bulate, tinatawag na “fried eggs worm” dahil na rin sa disenyo ng kaniyang balat.

“Nakita namin at lahat kami natakot. Tapos sinabi nung guide, ‘Wag kayong matakot. Wala siyang kamandag.’ In fact, pinulot pa nung guide yung worm,” kuwento niya.

Ayon kay Alman, bihira ang ganitong uri ng earthworm at maaari itong makita sa mismong ibabaw ng trail.

Ang tawag naman ng mga residente sa lugar sa naturang lugar ay “wati-wati.”

Matagal na raw itong nakikita ng mga lokal sa kabundukan ng Aurora, lalo na kapag nangangaso sila.

Bagama't matagal nang pamilyar sa mga residente, pormal lamang na inilarawan ang species noong 2009.

Bilang isang curious na umaakyat sa bundok, ibinahagi ni Alman ang kaniyang nakita upang makapagbigay ng impormasyon sa iba. Pero paglilinaw niya, naturang post tungkol sa “fried eggs worm” ay throwback na lamang.

Ang video kasi, kuha niya noon pang 2019 at hindi raw niya inakalang papatok ito nang kaniyang i-repost at umani ng maraming engagement.

“Ginawa ko yun para magbahagi ng impormasyon. Nagulat din ako na marami palang interesado,” saad niya.

Ayon kay Kuya Kim, ang “fried eggs worm” ay isang endemic species o sa Pilipinas lamang natural na matatagpuan.

Natuklasan ito sa Aurora Province, partikular sa Maria Aurora National Park sa bahagi ng Sierra Madre.

Pormal itong inilarawan bilang bagong species ni Samuel W. James noong 2009. —FRJ GMA News