Sa kabila ng kaniyang tagumpay bilang singer-songwriter, inihayag ni TJ Monterde kung bakit hindi siya sumali noon sa mga singing contest. Alamin ang kaniyang dahilan at kung paano nabuo ang “Palagi,” na isa sa mga sikat niyang awitin.

Sa nakaraang panayam sa “I-Listen with Kara David,” ikinuwento ni TJ, na nagsusulat na siya ng mga kanta sa edad na 13-anyos. Noong 16-anyos naman siya, naging disc jockey o DJ siya sa radio station na manager ang kaniyang ama.

Pagsapit ng 18-anyos, naging TV host siya sa isang variety show sa regional tv station. At nang maging ng 21-anyos na siya at nakapagtapos na sa kolehiyo, sinubukan na niyang makipagsapalaran sa Maynila.

Kuwento ni TJ, naging malaking impluwensiya sa kaniya na pumasok sa music industry ang kamag-anak na si Champ Lui Pio, na labis niyang hinahangaan kapag nakikita niyang nagtatanghal sa stage.

“Kapag napapanood ko siya noon, doon ko napi-feel na ‘I want to be like him,” ani TJ. “Gusto kong maging ganito, nagsusulat siya ng songs’, kinakanta niya yung mga originals niya sa mga tao, sumasabay yung mga tao. I want to be like this guy.”

Ayon pa kay TJ, nagsimula siyang nahilig na mag-aral mag-gitara dahil sa nakikita niya ang crush niya noong kabataan niya na mas lumalapit sa lalaking marunong mag-gitara.

At nang matuto na siyang mag-gitara, napansin niya kaya niyang gumawa ng kanta.

Pero pag-amin niya, hindi pang-contest ang kaniyang boses kaya hindi siya sumasali sa mga singing contest.

“Wala akong tiwala sa sarili ko as a perferomer, na feeling ko matatanggal ako kaagad, hindi ako matatanggap sa audition,” saad niya.

Pagdating sa kaniyang boses, “Feeling ko hindi siya pang-competition. Enough lang siya for me to sing my songs. Parang ganun ang tingin ko.”

Pero papaano ba niya nabubuo ang isang kanta gaya ng kaniyang hit song na “Palagi?’ Alamin ang buong istorya sa video ng “I-Listen.” Panoorin. – FRJ GMA News