Tatlo ang sugatan matapos araruhin ng isang humaharurot na motorsiklo ang grupo ng mga tao sa bangketa sa Barangay Mayamot, Antipolo City. Ang motorcycle rider, napaamin ng mga biktima na lasing siya habang nagmamaneho.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV camera ang pagkukumpulan ng pitong magkakaibigan sa sidewalk sa bahagi ng Marcos Highway dakong 12 a.m. nitong Lunes.
Ilang saglit pa, bigla na lamang silang nasalpok ng humaharurot na motorsiklo. Tumilapon ang ilan sa kanila at natumba rin ang mga motorsiklo sa lakas ng pagkakabangga.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Antipolo City Rescue, at kasama sa mga sugatan ang magkasintahang Jhon Michael Potestad at Kara Angela Sayasaya.
“Habang iniilawan namin 'yung motor niya. Then mamaya-maya, pagligon ko, may mabilis na motor. Then ayun na, ako pati mga friend ko lumipad. Lalo na 'yung girlfriend ko. Ang layo din talaga ng nilipad niya. Para talaga kami binowling na parang billiard na sinargo,” sabi ni Jhon Michael.
“Iniinda ko na lang 'yung likod ko. Hindi rin ako makapagtrabaho. Hindi rin namin expect kasi nasa tabi naman po kami. Tapos gano’n 'yung mangyayari sa amin,” sabi ni Kara Angela.
Nagtamo ng sugat sa binti si John Michael, na kinailangang tahiin. Ang isa pa niyang kaibigan, nakabenda ang bukong-bukong.
Sinabi umano ng rider na naharangan ng helmet ang kaniyang paningin. Ngunit kalaunan ay napaamin umano ang rider na lasing ito nang nagmaneho.
“Sabi niya po, nakainom daw po siya konti. Kakagaling lang daw po nilang binyagan po,” sabi ni Kara Angela.
Makaraan ang insidente, nagharap ang mga biktima at rider sa estasyon ng pulisya.
“Binigyan po namin siya ng one week para mabayaran 'yung mga danyos na ginawa niya sa amin. If possible naman po na hindi siya tumupad sa usapan, puwede din po namin siyang kasuhan, sabi din po ng mga police,” sabi ni Jhon Michael.
Tumangging magbigay ng pahayag ang nakabanggang rider. – Jamil Santos/FRJ GMA News
