Matapos ang apat na dekada mula nang pumanaw ang teen star na si Julie Vega, nagbigay ng pahayag ang kuya niyang si Joseph. Sa panayam, may nilinaw siya tungkol sa dahilan ng pagkamatay ng kanilang bunso na iniuugnay ng iba sa kababalaghan, at sa natanggap na tawag sa telepono ng kanilang ina mula sa aktres na nagpapaalam na.
Sa nakaraang episode ng "Gabi ng Lagim: Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabi nito na ilang taon mula nang pumanaw si Julie noong 1985, ilang beses nakipag-ugnayan ang programa sa pamilya ng aktres para nakapanayam pero tumatanggi sila.
May mga nag-uugnay ng kababalaghan sa pagpanaw ng aktres dahil bago ito magkasakit at isugod sa ospital, may ginawa siyang pelikula na sinaniban ng masamang nilalang ang kaniyang karakter.
Ang lugar kung saan ginawa ang pelikula, mayroon din umanong nangyaring mga kababalaghan. Maging nang panahon na nakaratay na siya sa ospital, may nakatanggap na tawag sa telepono ang kaniyang ina mula umano kay Julie para sabihin na aalisin na siya.
May hindi rin umano maipaliwanag na pangyayari sa nag-asikaso sa naiwang album ni Julie nang makarinig sila ng babaeng tila umiiyak matapos na pumanaw ang aktres.
Bagaman may mga naniniwala na may kababalaghang sa pagkamatay ng kaniyang kapatid, para kay Joseph, pumanaw ang kanilang bunso dahil sa sakit na tinatawag na “MS” o multiple sclerosis, na nakaapekto sa kaniyang utak at spinal cord.
Sa opisina ni Joesph sa Quezon City, nakatabi ang ilang gamit ni Julie gaya ng kaniyang FAMAS awards, “magic dress” na isinuot ng aktres sa “Mga Mata ni Angelita,” mga larawan, album, at Hello Kitty na telepono.
Giit ni Joseph, walang “supernatural” sa nangyari kay Julie. Marami umanong humiling ng panayam sa kanila tungkol sa kaniyang kapatid pero palaging nauuwi ang anggulo ng panayam sa kababaghan sa pagkamatay ng aktres.
“Although totoo na naririnig namin after noon na yung pinaggawan [shooting] meron yatang supernatural doon, pero nung nagkasakit siya wala namang manifestation. Kasi sana kung lumutang siya sa kama nanginginig siya ng ganun. Wala namang ganun. Lahat talaga sa sakit eh,” paliwanag ni Joseph.
Ang MS o multiple sclerosis, na nakaapekto sa utak at spinal cord ng aktres ang sinasabing dahilan ng pagkamatay nito. Aniya, malubha na ang lagay ni Julie nang malaman nila ang sakit nito.
“Masyado nang mabilis ang progress. Pero tinatanong namin bakit siya nagkaroon ng ganun? And then sa journal we saw it na at risk yung mga bata kung hindi tama yung tulog. Shift work they call it,” paliwanag niya.
Wala rin umanong nararamdaman na kakaiba si Joseph kapag natutulog sa kuwarto ni Julie.
Gayunman, aminado siya na wala siyang maibigay na paliwanag sa nangyaring pagtawag ni Julie sa ina sa telepono para magpaalam na “aalis” na siya. Nang sandaling iyon, nakaratay na sa ospital ang aktres.
“Nung tumawag siya sa bahay, alam ko ‘yon. I cannot explain that, I believed in the experiences,” saad niya. “Sometimes thing are manifested not only to the physical sense. Naniniwala ako na maaaring sa kagustuhan nyang makausap ang mommy [na] she wants to go, she managed to channel herself with the phone. Pero kung may spin na may mamaw doon para tumawag sa bahay, I don’t think so. Not necessarily may kinalaman dun sa pinag-shootingan nila.”
Ano nga ba ang sinasabing mga kababalaghan na nangyari kay Julie tungkol sa paggawa niya ng nakatatakot na pelikula, at ano ang makikita ngayon ng paranormal investigator sa lugar kung saan ginawa ang shooting? Panoorin ang buong kuwento sa video ng “KMJS: Gabi Ng Lagim.”—FRJ GMA News
