Sa kabila ng kanilang kasikatan at pagiging miyembro ng sikat noong teen show na "TGIS," pinili nina Chubi del Rosario, Aiza Marquez, Vanna Garcia at Yves Gonzales na tahakin ang pribadong buhay. Kumustahin ang kanilang buhay ngayon na malayo sa intriga ng showbiz.

 

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, nakapanayam niya Chubi, Aiza at Vanna, na sasalang sa online talkshow na "Just In" ni Paolo Contis.

Kasama rin nilang magiging guest sa programa ni Paolo si Yves.

Batid daw ng tatlo ang kakulitan ni Paolo sa pagtatanong.

"Yan nga 'yung iniisip ko ngayon eh, sabi ko meron kayang something na hindi ako natandaan or whatever, nakakatakot," sabi ni Vanna.

"I think that is something we are looking forward to, tapos on the way may mahalungkat si Paolo," sabi ni Chubi.

"Si Paolo very warm siya eh. So magiging kumportable ka talaga sa kaniya na parang ang tagal mo na siyang kilala," sabi ni Aiza.

Taong 1997 nang maging bahagi sila ng youth-oriented show na TGIS. Pero pagkatapos ng ilang taon, unti-unti na nilang iniwan ang showbiz at tinahak ang kani-kanilang panibagong buhay.

Maagang naging ina si Vanna, na ngayon ay negosyante at full-time mom na. Tatlo na ngayon ang kaniyang anak.

Nag-migrate naman sa Amerika si Aiza. Nagtatrabaho siya sa isang posh restaurant at mayroon nang dalawang anak.

Isa nang wellness expert at events host si Chubi, na dating ka-love team ni Anne Curtis.

Si Yves, naging abogado at tumutulong ngayon sa ilang sangay sa gobyerno. Mayroon na rin siyang pamilya.

"You know what, it's so amazing is that kahit we don't talk naman every day talaga, pero nu'ng nagkita kami noong time na 'yon, it's not like a day went by," sabi ni Chubi.

"It was a reminiscing moment for all of us. Ang dami naming pinag-usapan like what you used to do in the past. It's really good to bring back the old memories when we were children, just having fun with our jobs and enjoying each other's company," sabi ni Vanna.

Sinabi naman ng tatlo na ibang iba na ang showbiz ngayon, lalo na sa pag-handle ng mga intriga.

"Wala kaming masyadong intriga noong kabataan namin kasi 'di ba that time, hindi pa uso 'yung mga social media. Kumbaga sabi ko, lagi kong sinasabi it's so pure, carefree lang," sabi ni Aiza.

"Madaling magtago ng intriga. Joke," natatawang sabi ni Vanna.

Alamin ang iba pang pinagkakaabalahan nila at ginawang bistuhan sa naging panayam sa kanila ni Paolo sa "Just In" sa video na ito.

--Jamil Santos/FRJ, GMA News