Hindi naging hadlang ang kamatayan sa isang yumaong mister para maipadama ang walang kamatayang niyang pag-ibig sa kaniyang asawa. Dahil sa kanilang 25th wedding anniversary, may inihanda siyang sorpresa.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita ang matinding emosyon ni Joji Mendoza nang malaman ang plinanong sorpresa para sa kaniya ng namayapang mister na si Bing.

Naisagawa ang mga plano ni Bing sa tulong ng kanilang anak na si Aly, na pinadalhan niya ng naka-schedule na email.

Kaya kahit wala na si Bing, natanggap pa rin ni Aly ang mensahe na nagsasaad ng mga nais niyang gawin sa anniversary wedding nila ni Joji.

Kompleto sa dekorasyon ang lugar na pinagdausan ng kanilang anibersaryo, mga paboritong pagkain ni Joji, naka-display ang mga larawan nilang mag-asawa, at dumating din ang 100 piraso ng rosas na mismong si Bing ang umorder noong nabubuhay pa at ibinilin kung kailan dapat ideliber.

"Wala na, humagulgol na talaga ako ng iyak na walang tigil," sabi ni Joji.

Naganap ang wedding anniversary surprise 10 buwan makaraang pumanaw si Bing dahil sa karamdaman.

Aminado naman si Aly na natakot siya noong una nang matanggap ang email ng ama.

"Sino ba naman ang hindi matatakot kapag nakakuha ka ng email from someone who passed away months ago," saad niya.

Nakasaad sa email ang mga bilin ng ama kay Aly kung ano ang mga gagawin, at  kung papaano niya nais sorpresahin si Joji.

Lalo pang naantig si Joji nang malaman na ginawa ni Bing ang pagpaplano nang mga sandaling mahina na ang katawan nito dahil sa kaniyang karamdaman.

Para kay Joji, ang ginawa ng kaniyang mister ay patunayan na kahit wala na ito ay mananatiling buhay ang pagmamahal sa kaniya. --FRJ, GMA News