Nanindigan ang aktres na si Sunshine Cruz na nanligaw lang sa kanya noon si Chuckie Dreyfus pero hindi niya ito naging karelasyon noong kabataan nila sa "That's Entertainment."

Sa ulat ni Bernie V. Franco sa PEP.ph, sinabi ni Sunshine na hinusgahan siya ng mga tao nang itanggi niya ang pahayag ni Chuckie na naging magkasintahan sila.

Pero nanindigan ang aktres na wala talagang katotohanan ang sinabi ni Chuckie nang maging guest ito sa segment na "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga" noong Marso, kasama ang ilan pang dating miyembro ng youth oriented show na "That's Entertainment."

Sa naturang episode ng "Bawal ang Judgmental" tinanong ng guest player na si Heart Evangelista kung sino-sino sa "That's" ang naging magkarelasyon.

READ: Heart Evangelista, inusisa ang That's Entertainment stars sa kanilang mga ex

Bukod kay Sunshine, sinabi ni Chuckie na naging kasintahan din daw niya si Jessa Zaragoza.

Hinala ni Sunshine, nag-assume lang si Chuckie dahil matagal itong nanligaw sa kaniya.

Saad ni Sunshine, “Nagulat ako about that. Yes, he courted. Maybe there are guys na parang, I think, pag nanligaw, tapos matagal silang nanligaw, feeling nila MU [mutual understanding] na, or mag-un na kami,” sabi ni Sunshine sa ulat ng PEP.

Ipinagtanggol din ni Sunshine ang sarili sa pambabatikos ng iba na "nag-iinarte" lang siya.

Pero iginiit niya na dapat lang niyang ipaglaban ang isang bagay lalo na raw kung hindi naman totoo.

Nang tanungin ang aktres kung nag-reach out sa kaniya ang aktor, tugon ni Sunshine, “Dinededma niya ako. Seenzoned lang ako.”

"Lalabas naman at lalabas ang katotohanan, di ba?,' dagdag niya,-- For more showbiz news, visit PEP.ph