(BABALA, MASELAN ANG VIDEO)


Nauwi sa peligro ang masayang pamimitas ng bunga ng aratiles ng mga bata sa Sta. Fe, Cebu nang mahulog ang isa sa kanila mula sa bubungan at bumagsak sa nausling bakal. Ang bakal, tumusok sa kilikili ng bata at lumusot sa kaniyang leeg.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ng 11-anyos na batang natuhog na si Harvey na basa pa siya mula sa kanilang paliligo nang umakyat siya sa bubungan ng kapitbahay para abutin ang bunga ng aratiles.

Sa kabila ng nangyari, nanatiling may malay si Harvey habang nilalagare ang bakal upang putulin at madala siya sa ospital habang nakatusok sa kaniya ang bakal.

Pero bukod sa pinaniniwalaang aksidente ang nangyaring pagkakadulas ni Harvey, may haka-hakang may hindi nakikitang nilalang na nakatira sa puno ng aratiles ang tumulak sa bata.

Gaano nga ba katotoo na posibleng may nilalang na tumulak kay Harvey at papaano nailigtas ang kaniyang buhay sa kabila ng kaniyang sinapit. Panoorin ang video. --FRJ, GMA News