Matapos aminin na isa siyang bisexual, ipinakilala naman ngayon ni Xander Ford ang kaniyang nobyo. Nakamaskara sa simula ng vlog ang lalaki pero sa huli ay ipinakita rin nila ang kaniyang mukha.

Sa bago niyang vlog, ipinakilala ng dating Hasht5 member ang kaniyang nobyo at nagkuwento tungkol sa pag-usbong ng kanilang relasyon.

Sa simula ng vlog, nakamaskara ang lalaki dahil nais nilang maging pribado ang kanilang relasyon.


Pero bago matapos ang vlog, nagpasya silang ipinakita na ang mukha ng kaniyang nobyo.

Ayon kay Xander, 2018 nang magsimula silang magkausap pero 2019 lang sila nagkita nang personal.

"Parang nagkapalagayan kaming dalawa. Noong nalaman niya na ganito ako, sabi niya sa akin, mas naiintindihan niya ako kaysa yung ibang tao... sa dami ng tao na hindi ako naiintindihan. So ako, naniwala ako sa kanya," kuwento ni Xander.

"Biglaan na lang, naramdaman namin," dagdag niya.

Sabi pa ni Xander, hindi pa siya nagkanobyo dahil naniniwala siya noon sa sarili na straight siya.

"Straight po talaga ako. Talagang hindi ako na-attract sa lalaki. Nito po lang, parang ngayon ko lang na-realize na...may naramdaman akong ganito, parang na-develop ako sa kapwa ko lalaki," saad niya.

FRJ, GMA News