(PAALALA, MASELAN ANG VIDEO)


 

Nakatikim ng suntok, sipa, sinuntod ng kahoy, kinaladkad at pinagulungan pa sa tricycle ang isang 20-anyos na lalaki sa Bayambang, Pangasinan matapos umanong mahuling namboboso.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nasukol ang lalaki na itinago sa pangalang "Dan" habang nasa ibabaw ng isang puno na walang salpot sa katawan.

Pero bago nito, nakita na raw ng isang kapitbahay si Dan na naninilip sa isang bahay at kumaripas nang takbo nang sitahin.

Hindi rin daw ito ang unang beses na inireklamo ng pamboboso si Dan sa barangay.

Katunayan, sa loob ng dalawang taon, nakatanggap na ang barangay ng 10 reklamo laban sa lalaki ng pamboboso na ang biktima umano ay mula dalawang taong gulang hanggang sa mahigit nubenta anyos.

Kaya naman daw ganun na lang ang galit ng mga taga-barangay nang malaman nilang muli itong namboso at naaktuhan pa nila ngayon na hubo't hubad.

Nangangamba rin ang mga opisyal ng barangay na baka humantong pa sa panggagahasa ang pamboboso ni Dan.

Gayunman, itinanggi ni Dan ang paratang na namboboso siya bagaman hindi niya maipaliwanag kung bakit wala siyang saplot nang mga sandaling iyon.

Ang ilang netizen at ang ina ni Dan, naniniwalang hindi makatwiran ang sinapit na pananakit ng anak.

Dapat umanong hinuli na lang si Dan, kinasuhan pero hindi dapat na sinaktan. Panoorin ang video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News