Sa mahigit na dalawang dekadang hindi nakita ni Dondon ang kaniyang amang si Fernando, napuno ng galit ang kaniyang puso dahil inisip niyang pinabayaan sila ng kaniyang mga kapatid at ina.

Lalo pang tumindi ang galit ni Dondon sa ama nang tuluyang pumanaw ang kanilang ina dahil sa karamdaman. Kaya sa paglipas ng panahon, hindi na sumagi sa isip niya ang kagustuhan na makita pa ang ama.

Pero si Mang Fernando, nanatili ang pagmamahal sa kaniyang mga anak kahit nakakulong. 

Hanggang sa nang makalaya si Mang Fernando, gumawa siya ng paraan na makausap ang mga anak, pati na si Dondong na higit dalawang dekada niyang hindi nakita.

Iyon nga lang, nang minsan niya itong makausap sa telepono ang anak, hindi naging maganda ang kanilang pag-uusap. Kaya aminado si Mang Fernando na malayo ang loob sa kaniya ng anak na lalaki.

Ngunit sa hindi nila inaasahang pagkakataon, aksidenteng magku-krus ang landas ng mag-ama sa isang quarantine facility sa Tarlac.

Tunghayan ang mala-teleseryeng kuwento nina Mang Fernando at Dondon sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." Alamin kung ano ang higit na mangingibabaw kay Dondong--ang galit kaya o ang pangungulila sa ama? Panoorin.

--FRJ, GMA News