Naiyak si Barbie Forteza nang magkunwari ang nobyo niyang si Jak ROberto na nakalimutan nito ang kaniyang kaarawan.

Sa kaniyang latest vlog, ibinahagi ni Jak ang kaniyang birthday surprise na may kasamang prank sa kaniyang nobya.

Ayon kay Jak, madalas niyang binabati si Barbie pagsapit ng kaarawan nito, bagay na sadyang hindi niya ginawa ngayon.

Kaya naman naman ng dumalaw ang aktor sa bahay ni Barbie, nagpanggap siya na tila wala siyang naalalang okasyon.

Ininis pa ni Jak ang kaniyang girlfriend nang sabihin niyang kailangan niyang umalis kaagad para magpa-carwash.

"Pagka-carwash mo kaya, umuwi ka na. Para ma-cover-an mo na 'yung sasakyan. Kasi uulan na makulimlim na," sabi ni Barbie kay Jak na tinatago na ang inis sa nobyo.

Nang lumabas si Jak para kunin ang dalang bulaklak at regalo, doon na nasorpresa si Barbie.

"Akala mo nakalimutan ko no! Ang ganda mo naman po, happy birthday!" biro ni Jak.

Dito, hindi na napigilan ni Barbie ang mapaluha.

"Hindi niya kasi ako binati. Mga kaaway ko nga binati na ako eh," sabi ni Barbie habang may luha pa.

"Pero hindi mo nalimutan?" tanong ni Barbie kay Jak.

"Hindi, siyempre!" matamis na sagot ng kaniyang nobyo.

Panoorin ang nakatutuwa at sweet na birthday-prank surprise ni Jak kay Barbie.--Jamil Santos/FRJ, GMA News