Hindi tulad sa pangkaraniwang mga tao, ipinanganak na may Hermaphroditism o nagtataglay ng ari ng parehong sa babae at lalaki si Jonalyn Bulado ng Isabela.  Matanggap kaya ng kaniyang nobyong Amerikano ang pambihira niyang kondisyon?

Sa "Reel Time" ng GMA Public Affais, sinabing ipinanganak si Jonalyn bilang si Jonathan Villar Bulado sa Alicia, Isabela, na isang lalaki.

Pero bata pa lamang, napansin na raw ni Jonalyn na kakaiba ang kaniyang external genitalia kumpara sa mga kapatid niyang lalaki.

Dahil hindi siya sigurado sa kaniyang kasarian at sa kakaibang pagtingin din sa kaniya ng mga tao, naging biktima pangungutya si Jonalyn.

"Parang pinamukha nila sa akin during that time noong bata ako sabi nila 'Ay bakla 'yan.' Nasasaktan ako sa loob ko dahil alam ko naman na hindi totoo na bakla ako. Basta kinikimkim ko na lang 'yon," ani Jonalyn.

Pero noong mag-16 anyos na siya, nakaranas si Jonalyn ng buwanang "dalaw" o menstruation. Dito na nagdesisyon ang mga magulang niya na i-register siya bilang "female."

Dahil naging dalawa ang birth certificate ni Jonalyn, naudlot ang pangarap niyang makapunta sa ibang bansa nang malaman ng embahada ng Japan ang kaniyang sikreto at i-void ang kaniyang visa.

"That time na-depress ako. 'Yun po talaga 'yung ambition ko 'yung mag-work abroad para maka-earn ng money para maoperahan ako, ganoon. Kasi ayaw ko po talaga ng ganito na dalawa 'yung [ari] mo."

Nilakasan na raw ni Jonalyn ang kaniyang loob na humingi ng tulong sa mga politiko para sa pagproseso ng kaniyang birth certificate. Kalaunan, nakalipad din siya sa Bahrain noong 2009.

Nagkaroon si Jonalyn ng mga manliligaw doon pero hindi naman daw mga seryoso. Nagsawa si Jonalyn sa mga nakaraan niyang relasyon at umuwi sa Pilipinas.

Tinupad niya na rin ang kahilingang sumailalim sa corrective surgery.

Noong nasa Thailand, nakilala ni Jonalyn si Donald Pratt III sa Great Lakes, United States noong 2017 nang mag-search ang Amerikano sa page nito.

"That is the most beautiful woman I have ever seen in my life," ani Donald.

Nauwi sa ligawan ang kanilang pagkakaibigan at si Donald pa ang tumulong kay Jonalyn para makayanan ang pagsubok ng COVID-19 pandemic habang nasa Thailand.

Ngunit itinago muna ni Jonalyn ang kaniyang sikreto kay Donald, at naghintay ng tamang pagkakataon para sabihin ito.

At nang dumating na ang tamang pagkakataon dahil nag-aaya na rin ng kasal ang si Donald, ipinagtapat na ni Jonalyn ang kaniyang lihim. Matanggap pa rin kaya siya ng Afam na nobyo? Tunghayan sa video ang pambihirang reaksiyon ni Donald at saan kaya mauuwi ang kanilang pagmamahalan. Panoorin.-- FRJ, GMA News