Sugatan pero nakalaban ang isang pulis sa riding in tandem na nang-ambush sa kaniya sa Cotabato City. Ang gunman na angkas ng motorsiklo, nabaril ng pulis at tumumba sa gitna mismo ng kalsada.

Sa ulat ng GMA Regional TV "One Mindanao," kinilala ni Cotabato chief Police Colonel Richard Fiesta, ang pulis na tinangkang tambangan na si Master Sergeant  Salipuddin Pangawilan, nakatalaga sa Guindulungan, Maguindanao.

Sa kuha ng CCTV, nahuli-cam si Pangawilan na sakay ng kaniyang kotse na hinahabol ng mga suspek na sakay naman ng motorsiklo sa Sinsuat Avenue noong Biyernes ng hapon.

Nang maabutan ng mga suspek ang sasakyan ni Pangawilan, bumaba ang angkas ng motorsiklo na may dalang baril at pinaputukan ang pulis.

Pero nakaganti ng putok ang pulis at tinamaan ang suspek na natumba sa gitna mismo ng kalsada.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo sa ulo ang suspek na kinalaunan ay nakilalang si Edir Sandigan.

Nakatakas naman ang rider na kasama ni Sandigan.

Ligtas na sa tinamong tama ng bala sa balikat si Pangawilan.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pananambang kay Pangawilan.--FRJ, GMA News