Sa bagong episose ng "The Boobay and Tekla Show," ipinakilala ang bagong segment na "Modified Enhanced Feeling The Blank" kung saan maiinit na tanong ang ibinato sa guest celebrity na si Mark Bautista.

Sa bagong segment, may mga itatanong ang hosts ng programa na sina Boobay at Tekla, na kailangang sagutin ni Mark.

Pero ang sagot, isusulat ni Mark at silang tatlo lang ang makakabasa at makakaalam.

Ang isa sa mga itinanong kay Mark ay kung sino ang aktor na nais niyang maka-eksena sa kissing scene.

Sa una, nag-alangan si Mark na sagutin ang tanong pero tiniyak nina Boobay at Tekla na hindi malalaman ng iba kung ano o sinoman ang isusulat niyang pangalan.

Nang makita ni Boobay ang sagot ni Mark, sinabi niyang, "Ang suwerte naman niya."

Sabi naman ni Tekla, "Talaga?"

Kusa namang ipinaliwanag ni Mark kung bakit napili niya ang aktor na kaniyang isinulat.

"Kasi ang ganda ng ngipin. Yun ang weakness ko," ayon kay Mark.

Tinanong din si Mark kung sino ang sinong celebrity ang gusto niyang sabihan ng awitin niyang “I Need You,” at sinong celebrity ang ayaw niyang maging boyfriend kung naging babae siya? Panoorin ang kaniyang naging sagot sa video. --FRJ, GMA News