Dahil naging tampulan noon ng tukso at pang-aalaska si Marnie dahil sa kaniyang mabigat na timbang, inakala niyang wala nang seseryoso sa kaniya. Hanggang sa makilala niya ang isang guwapong Amerikano na buong puso siyang minahal.  Alamin ang kanilang nakakikilig na love story.

Kuwento ng 28-anyos na si Marnie sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” naging biktima siyang ng pambu-bully dahil sa kaniyang malusog na pangangatawan.

“Baboy … sabi nila lilitsunin, mataba," saad niya.

“Dati, meron akong crush, magka-chat kami. Tapos ‘yun pala, ’yung crush niya ’yung kasama ko. Kasi payat. Nakakawala ng self-confidence," kuwento pa niya.

Pero nagbago raw ang lahat nang magtungo siya sa Amerika at makilala si Terry sa isang dating app.

“I did not know what to go off when I saw her pictures. My impression for her was like maybe she is catfishing,” sabi ng 22-anyos na si Terry.

“She is very genuine. We had like a phone conversation and it was a nice talk,” patuloy niya.

Matapos ang isang linggong pag-uusap sa phone, inaya ni Terry si Marnie na lumabas. Nag-alinlangan naman ang dalaga pero sinabihan siya ng binata na huwag mag-alala.

At nang magkaharap na sa unang pagkakataon.

“Sabi niya, ‘You’re beautiful the way you are.’ May kilig na siyempre 'pag nakatanggap ka ng compliment sa guwapo," natatawang kuwento ni Marnie.

Magmula noon, nagkasintahan na ang dalawa at ipinakilala ni Terry su Marnie sa kaniyang mga magulang.

“We were talking about our future plans. It started to become real, I really felt that I love her,” ayon kay Terry.

At ang dalagang busog noon sa pangungutsa dahil sa kaniyang pagiging malusog, ikinasal sa isang guwapong dayuhan na si Terry nitong nakaraang taon.

Ang inaalala ngayon ni Marnie ay ang kaniyang anak sa pagkadalaga na naiwan niya sa Pilipinas.

Sabi ni Marnie, 18-anyos lang siya noon nang mabuntis ng dating nobyo. Pero paano kaya ito tatanggapin ni Terry? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News