Nagkagulo ang mga tao sa harap ng isang pamilihan sa Pagadian City nang may sumulpot na malaking sawa sa binahang kalsada.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, makikita sa video na ini-upload na si Rochel Abdon Quadalquiver, na dalawang lalaki ang nasa bangketa at nagtutulong na mahuli ang mahabang sawa na nakalubog sa tubig.

Isang lalaki ang nakahawak sa buntot ng sawa, habang hawak naman ng isang lalaki ang sako.

Pero dahil sa lubhang malaki ang sawa, kinailangan ang isa pang lalaki para tuluyan nilang mahuli ang sawa at mailagay sa sako.

Hinala ng mga tao, galing sa imburnal ang sawa at lumabas nang bumaha sa kalsada dahil sa malakas na pag-ulan.--FRJ, GMA News