Sa kaniyang kaarawan, emosyonal na inihayag ni Boobay na para sa kaniyang kaibigan at co-host na si Super Tekla ang kaniyang birthday wish.

Sa episode ng "The Boobay and Tekla Show" nitong Linggo, sinorpresa si Boobay ng mga pagbati mula sa kaniyang ama at kapatid.

May mensahe rin ng pagbati ang kaniyang life partner na si Kent na nasa abroad, ang aktor na si Martin del Rosario, at best friend na si Marian Rivera.

Pagdating sa birtday wish, sinabi ni Boobay na ibinigay niya ang kaniyang wish para kay Tekla na dumaan kamakailan sa matinding pagsubok sa buhay.

"Tekla, ibibigay ko sa'yo yung wish ko ngayong birtday ko ha," sabi Boobay. "Yung wish ko para sa'yo friend."

Sabi naman ni Tekla, "Ano ka ba. This is you're moment."

Pero nagmatigas si Boobay na ialay kay Tekla ang kaniyang birthday wish.

Nang tanungin ni Tekla kung ano ang kaniyang wish, sabi ni Boobay, "Alam mo na 'yon."

Kasunod nito ay mahigpit na niyakap ni Boobay si Tekla.

Sabi pa ni Boobay, "Lord, kung ano pong wini-wish ko ngayon alam kong alam Mo kung ano ang sinasabi ng puso ko."

Matapos ihipan ang kaniyang kandila sa birthday cake, muling nagyakap ang magkaibigan.

Panoorin ang mensahe ng mga kaanak at mga kaibigan ni Boobay para sa kaniya.
--FRJ, GMA News