Marami nang pamilyang nabuo sa tulong ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." Sa pagkakataong ito, matulungan din kaya ng programa at mga manonood si 2020 Miss Universe Philippines Rabiya Mateo na nais makita ang kaniyang amang Indian.

Sa panayam ng “KMJS,” ibinahagi ni Rabiya na limang-taong-gulang lang siya nang iwan sila ng kaniyang ina ng kanilang padre de pamilya.

Kaya naman mag-isa siyang itinaguyod ng kaniyang ina.

“Hirap na hirap po talaga financially kaya sabi ko kailangan ko talaga tulungan si mama. Hindi na po ako mahihiyang magsabi, nangungutang po siya sa ibang tao kapag naso-short kami. Kaya namulat din po ako na, sinabi ko na kung magiging tamad ako, kung hindi ko gagalingan sa pag-aaral, buong buhay namin baka iyong danasin namin at hindi po pupuwede iyon," kuwento niya.

Ayon kay Rabiya, Indiano ang kaniyang ama pero isang American citizen. Inakala raw ng kaniyang ina na kukuha lang ng licensure exam for medicine sa US ang kaniyang ama pero iniwan na sila.

Noong una, nakatatanggap daw sila ng suportang pinansiyal pero biglang natigil.

“Naalala ko po talaga ito maliit pa kami, pumunta kami sa apartment ng kapatid ni daddy. Tapos pagdating namin doon sa apartment, wala na rin po ’yung mga kapatid ni daddy. So it was a plan to leave us behind,” saad niya.

“Siguro mas doon ako nanghihinayang sa fact na kung si daddy siguro nandito, hindi kami maghihirap, hindi namin kailangan pagdanasan na maputulan ng kuryente, na nahirapan kami para pag-aralin ni mama,” sabi pa ni Rabiya.

Sa kabila ng nangyari, sinabi ni Rabiya na ipinagtatanggol pa rin ng kaniyang ina ang kaniyang ama, at huwag siyang magalit dito.

"Yung mommy ko po never niyang sinisi si daddy kasi...ngayon nahihirapan kayong mag-aral kasi yung daddy nyo kasi dati itlog and kanin din lang ang kinakain pero grabe yon mag-aral para maging duktor," lahad niya.

Nakatulong daw iyon para magpursige rin siya sa pag-aaral.

“Sinasabi ko na kailangan ko talagang mag-aral nang mabuti. Kailangan mag-graduate ng cum laude kasi kapag nakita ako ni Daddy, I’m sure magiging proud talaga siya,” sabi ni Rabiya.

Aminado siya na hindi nawawala ang kaniyang pag-asa na darating ang araw na babalikan sila ng kaniyang ama.

"Baka someday pupunta si daddy, kakatok sa bahay, babalik na siya," nakangiti niyang sabi.

Ayon sa beauty queen, Syed Mohammed Abdullah Moqueet Irfan Hashmi ang pangalan ng kaniyang ama at May 22 ang birthday.

"The last time I heard is he’s in Chicago with his family. Kasama niya ang mother niya, ang dad niya, ’yung dalawa niyang sibling, si Tito Rizmon and si Tito Imran," aniya.

Noong nasa kolehiyo, nagpapadala raw siya ng mensahe sa social media sa mga Hashmi ang apelido sa Chicago.

“I tried my best to look for him pero wala po talaga eh. Pero hindi ko alam. Ramdam ko kasi na deep down in my heart na one of these days magkikita kami ni daddy," pag-asam ni Rabiya.

“And with Miss Universe nga, sabi ko thank you talaga Lord kasi binigay mo ’to sa akin, kasi hindi lang mai-improve ang life ng family ko sa Iloilo, pero pati chance ko na rin ’to para ma-reconnect sa biological dad ko,” patuloy niya.

“Gusto ko lang po talaga na malaman kung my dad is okay,” dagdag ni Rabiya. “And so sana, sana talaga through KMJS makita niya at malaman niya ’yong anak niya na Miss Universe Philippines na."– FRJ, GMA News