Sa pagsagot sa komento ng kaniyang followers sa Instagram, kinumpirma ni Derek Ramsay na hiwalay na sila ni Andrea Torres.

Nag-ugat ang reaksiyon ni Derek sa pag-post niya ng larawan para batiin ang kaniyang ina nagdiwang ng kaarawan.

Isang follower ng aktor ang nagkomento sa post na tila ibinato ang sisi kay Andrea kaya nagwakas agad ang relasyon ng dalawa na tumagal ng isang taon.

Ikinumpara pa ng netizen ang relasyon ni Derek kay Andrea, sa naging relasyon ng aktor kay Joanne Villablanca na tumagal ng anim na taon.

“Ano ba kayo 1 yr lang sila ni andrea samantqla yong past nya 6 yrs lahat bakit gsnon kadali kY andrea somethi g is wrong with andrea wag nyo isisi kay dereck lahat yong past nya 6 yrs,” saad ng netizen sa comment section ng post.

Sumagot naman si Derek at sinabing walang problema kay Andrea at wala ring "third party."

 


"Pls don't point the finger at anyone," saad ni Derek sa netizen.

"There is nothing wrong with Andrea. She is a great woman. There is no third party!!!! The breakup has happened so fast. Maybe 2 people are just not meant to be," sabi ni Derek.

Nakiusap ang aktor na irespeto sila ni Andrea, na sinabi ni Derek na mahal niya.

"Pls respect us nalang. We shared our love to all of you sana naman we can keep this to ourselves. Mahal ko si ada kaya di ako magsasalita pero if I hear lies about her I will defend her," pahayag nito.

Nagsimula ang ugong na hiwalay na ang dalawa nang mapansin ng kani-kanilang follower na binura na nila sa kani-kanilang IG ang mga larawan ng isa't isa.

Matatandaan na opisyal na kinumpirma nina Andrea at Derek ang kanilang relasyon noong Disyembre 2019.----FRJ, GMA News