Lalaki ang paparating na baby nina Andi Eigenmann at kaniyang partner na si Philmar Alipayo.

Ito ang ibinahagi ni Andi sa masayang gender reveal nila sa vlog na “Finally, Our Fun DIY Gender Reveal At Home.”

Bago ang rebelasyon, gumawa muna ng cupcakes si Andi na may kulay asul na icing sa loob na senyales ng kasarian ng baby sa kaniyang sinapupunan.

Ayon kay Andi, excited na siyang ibalita kay Philmar at sa kaniyang mga anak ang gender ng baby na matagal na raw niyang sinisikreto.

Ang mga cupcake ay kinain naman nina Philmar at dalawa nilang anak na babae na sina Ellie at si baby Lilo.

Laking tuwa nina Philmar at Ellie nang malamang lalaki ang magiging bagong miyembro ng kanilang pamilya.

Napatalon pa kaniyang kinauupuan si Philmar sa tuwan.

Dati nang sinabi ni Ellie sa isang video na nais naman niyang magkaroon ng baby brother.

Panoorin sa video ang masayang gender reveal vlog. —FRJ, GMA News