Tila may bagong aabangan ang netizens kung mauuwi sa romantikong ugnayan ang kulitan nina Derek Ramsay at Ellen Adarna sa isang dinner party kasama ang ilan pang artista.

Napag-alaman na ginawa ang salu-salo sa bahay ng aktor, kasama ang kaniyang mga kapitbahay na sina Ellen, John Estrada, Ruffa Gutierrez at iba pa.

Si Ruffa ang nag-post ng ilang larawan at video ng kulitan nina Derek at Ellen.

Sa isang larawan, makikita ang titigan ng dalawa na nilagyan ni Ruffa ng caption na, "Walang malisya."

Sa video naman, nagtutuksuhan ang grupo habang tila pumoporma si Ellen na hahalikan niya si Derek.

Nilagyan ni Ruffy ng capiton na "LOL" ang video.

Sa isa pang video, sinabini Ruffa: “This will be a very interesting evening…”

May isang netizen na nagkomento na "May aabangan."

Ang iba naman, nagkomento ng "Alam na."

Nitong nakaraang Nobyembre, kinumpirma nina Derek at Andrea Torres ang kanilang paghihiwalay.—FRJ, GMA News