(BABALA: SENSITIBO ANG PAKSA)

Sa isang liblib na lugar sa Trento, Agusan del Sur, nagsasama sa iisang bubong ang magkapatid na sina Julieta at Juliet, kasama ang lalaking kanilang inibig na si Danny. Pero bago maghusga, alamin muna ang kanilang kuwento.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing unang naging asawa ni Danny si Julieta.

Nang magkaanak si Julieta, isinama niya sa bahay nila ni Danny ang sanggang-dikit at bunso nilang kapatid na si Juliet.

Si Juliet ang nagsilbing tagapag-alaga sa anak nina Julieta at Danny, at naiiwan sa bahay kapag nagtatrabaho ang mag-asawa sa bukid.

Pero sa paglipas ng panahon, unti-unting nahulog ang loob ni Danny kay Juliet, at ganoon din si Juliet kay Danny.

Naging sikreto ang kanilang pagtitinginan. Hanggang sa isang araw, ang kanilang lihim, nabunyag nang mahuli sila sa akto ni Julieta.

Sa kabila ng matinding galit, walang nagawa si Julieta kung hindi tanggapin ang kanilang sitwasyon at nagsama sila sa iisang bubong, kasama ang mga naging supling nila.

Si Juliet, mayroon nang anim na anak kay Danny, habang buntis naman sa ika-anim nilang anak si Julieta.

Pero bakit hindi nagawa ni Julieta na hiwalayan si Danny at paano tinanggap ng isang ama ang pangyayari na ang kaniyang dalawang anak na babae ay naghati sa pag-ibig ng iisang lalaki?

Mayroon bang batas na nilabag si Danny at posible kaya siyang managot sa batas dahil sa kaniyang ginawa? Tunghayan ang kanilang kuwento sa video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News