Sinabi ni Mariel Rodriguez na walang basehan ang mga intrigang nag-uugnay sa kaniyang nagluluksang mister na si Robin Padilla sa dating entertainer na ngayon ay public official na si Mocha Uson.

Sa Instagram post, sinabi ni Mariel na may panahon para maging "assholes" pero hindi umano ngayon dahil nagluluksa ang kaniyang mister sa pagpanaw ng kapatid nitong si Royette.

"So many people are sending me messages... 'checking' on me. People are tagging me bla bla bla... let me tell you this. ROBIN’S BROTHER PASSED AWAY. He is grieving. He has never been in so much pain all his life. He doesn’t need your baseless gossip," saad ng aktres.

 

 

Patuloy pa niya, "Namatayan ng kapatid yung asawa ko. Please lang po. He doesn’t even know anything about all this rumor but i am putting a stop to this NOW. May oras para maging assholes now is not that time. Please."

Tinawanan din ni Mariel ang isang netizen na nagtanong sa kaniyang reaksyon tungkol sa bali-balitang buntis si Mocha at si Robin ang ama.

"Sis ano masasabi mo na buntis daw si Mocha at si Robin ang tatay?," tanong ng netizen.

Simpleng emoji na umiiyak sa tawa ang isinagot ni Mariel.

Taong 2010 nang magpakasal sina Mariel at Robin, at mayroon na silang dalawang anak na sina Gabriela at Isabella.

Samantala, dating lider ng girl group na Mocha Girls si Uson, na naging blogger at ngayon ay deputy administrator na ng Overseas Workers Welfare Administration.—FRJ, GMA News